Martes, Nobyembre 1, 2011

Habilin

HABILIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa malao't madali'y aabutin ko rin ang oras ng paghihingalo, ang huling kabit ng aking hininga. Pagkat lahat naman ng tao ay darating doon. Yayao upang permanente nang ihimlay ang kahit di pa pagod na isip at katawan.Mula sa sinapupunan tungo sa libingan. Ang buhay ng tao'y alpha at omega, may simula at may wakas.

Hiling ko'y huwag ipagkait sa akin, sa huling sandali, ang pagbibigay ng mga kasama ng luksang parangal na kinagawian nang gawin ng kilusang mapagpalaya para sa mga kasamang namatay. Kahit sa maikli kong buhay ay pinatunayan ko, hanggang ngayon, ang aking katapatan sa adhikain tungo sa pagkakapantay-pantay at pagpawi ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon na siyang dahilan ng kahirapan ng sambayanan.

Payak na puntod lang ang nais ko, hindi marangal na libing. Payak na libing na tulad ng libing ng karaniwang mahihirap. Ang kabaong ay yari lamang sa tabla. Sa lamay ay naroon ang ilang kaibigan at mga kakilala, naglalaro ng dama, tses, o kaya'y baraha. Umiinom ng mainit-init na kapeng barako at pandesal o mga biskwit.

Kahit sa huling hantungan, nais kong maging tapat sa masa at sa uring manggagawang kahit papaano'y aking pinaglingkuran sa abot ng aking makakaya, sa kilusang sosyalistang aking nakasama sa loob ng mahigit dalawang dekada. Dahil ang buhay ko'y buhay ng isang aktibista, buhay ng isang rebolusyonaryo. Higit sa kalahati ng buhay ko'y ipinaglingkod ko sa kilusang sosyalista.

Ang ayaw ko lamang ay matulad pa ako sa mga desaparesido, o yaong mga dinukot at nangawala at hindi na nakita ang kanilang bangkay. Dahil ang pagiging desaparesido ay katumbas ng paghihirap ng kalooban ng mga nagmamahal sa nawawala. Mahabang laban pa ang susuungin ng mga nabubuhay upang makuha lamang ang iyong bangkay at mabigyan ng maayos na libing.

Gayunman, ang mga tulad kong aktibista'y maaaring mamatay na lang ng walang puntod. Marahil ay di ko na rin kailangan ng kabaong. Ngunit mas nais ng mga nabubuhay pa na may kabaong upang makita man lamang ako sa huli kong hantungan. Mas nais kong maging pataba sa halaman ang aking mga labi upang kahit papaano'y may pakinabang pa sa sambayanan. Sa aking kolum sa publikasyong The Featinean, isyu ng July-October 1996, p. 29, ay ito ang aking isinulat: "I wish that if I would die, my corpse would not be buried inside the casket but honorably laid in the soil so that in the cycle of life, I can still contribute. My dead body can help make new life, make plants grow, so that others may continue to live."

Marami akong aklat na isinulat. Mga katipunan ng iba't iba kong akda. Nawa'y may magpatuloy pa ng pagsasaaklat ng aking mga tula. At mapansin din ng National Book Store, kung saan ito ang kinalakihan ko, ang aking mga tula at kanilang mailimbag. Marahil mailimbag din ito ng University of the Philippines Press, DLSU Press, UST Press, o AdMU Press. Mahigit dalawang libo na ang aking tula sa internet, 2,000 tula para sa sambayanan, sari-saring paksa, sari-saring himutok, sari-saring pamukaw ng isip, sari-saring taludtod ng pag-asa, sari-saring saknong ng paglaya.

Ang iba pang mga aklat na nabili ko, panitikan at pulitika, na gawa ng iba't ibang paborito kong awtor,  at mga saliksik, ay inihahabilin ko na sa aking mga kapatid na nagnanais nito at sa tanggapan ng mga samahang kinilusan ko.

May isinulat na rin akong mahabang tula na pinamagatan kong "Una Kong Pamamaalam" na nais kong basahin ng isang kasama o kapamilya bago ako ihimlay sa huling hantungan. At magpa-xerox na rin ng marami nito para sa mga nais magkaroon ng sipi ng tula. Nalathala na ang tula kong ito sa aklat kong "Markang Putik" at maaari din itong makita sa internet, sa kawing na http://matangapoy.wordpress.com/2010/05/12/una-kong-pamamaalam/.

Ang huling habilin ko lamang ay magkaroon ang bawat isa ng kopya ng Kartilya ng Katipunan at ito'y kanilang basahin, namnamin at isabuhay. Maaari itong sabay nang ipamigay kasama ng tula kong "Una Kong Pamamaalam".

Ang nais kong tugtugin sa libing ay ang "Lipunang Makatao" ng Teatro Pabrika, ang "Pag-ibig Ko'y Ikaw" ni Regine Velasquez, at ang "You Raise Me Up" ni Josh Groban. Tatlong awitin lang na paulit-ulit. Paborito ko si Martin Nievera dahil mga kanta niya ang madalas kong awitin dahil bagay sa aking boses, ngunit wala akong mapiling awit niya para sa okasyong ito.

Ang nais ko sa puntod ay hindi kurus kundi maso. Huwag sana itong ipagkait sa akin. Isinulat at ipinaliwanag ko na ito noon sa isang tula na pinamagatan kong "Maso ang Nais Ko sa Puntod".

MASO ANG NAIS KO SA PUNTOD
13 pantig bawat taludtod

maso, hindi kurus, ang nais ko sa puntod
pagkat ito’y tanda ng aking paglilingkod
sa uring manggagawang todo ang pagkayod
mabuhay lamang kahit kaybaba ng sahod

maso, hindi kurus sa puntod ang nais ko
pagkat ito’y tanda ng tangan kong prinsipyo
na lipunang ito’y lipunan ng obrero
di ng ganid na sistemang kapitalismo

maso ang nais ko sa puntod, hindi kurus
pagkat ito’y tandang naglingkod akong lubos
sa mga manggagawa’t mamamayang kapos
upang sa araw-araw sila’y makaraos

maso’t di kurus sa puntod ang aking nais
pagkat ito’y tanda ng prinsipyong malinis
hangad na sistema’y di maging labis-labis
at mapalitang tunay ang lipunang lihis

Ito naman ang isinulat ko na nais kong mailagay sa aking lapida. Nalathala ito sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 1, Taon 2004, p.8. 

TAGLAGAS
9 pantig bawat taludtod

Kung sakali’t ako’y lumutang
sa sariling dugo’t tuluyang
inangkin ng lupa, hiling kong
sa lapida’y maukit itong
soneto ko ng luha’t tuwa:
“Dito’y himbing na nahihimlay
ang makata ng rebolusyon,
at abalang iginagala
sa daigdig ng talinghaga
ang mapaglaro niyang diwa’t
masalimuot na haraya,
habang humahabi ng saknong
at mapagpalayang taludtod
para sa uring manggagawa
at sa masa ng sambayanan.
At sa pagdatal ng taglagas
siya’y babangon sa pag-idlip
upang ituloy ang paglikha
sa iba namang katauhan."

Mabuhay ang kilusang masa!  Mabuhay ang kilusang sosyalista! Tuloy ang laban!

Huwebes, Oktubre 13, 2011

Nang magpasya akong maging tibak

NANG MAGPASYA AKONG MAGING TIBAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bata pa ako ay mahilig na akong magbasa. Hayskul ako ay naging tambayan ko na ang National Book Store sa Morayta at sa Avenida, habang nadadalaw ko rin ang Goodwill Bookstore. Bandang 1987 ay natagpuan ko na ang Popular Bookstore sa Doroteo Jose St., sa Maynila. Doon ay sari-saring mumurahing libro at magasin ang aking binili. Mga babasahing hindi ko karaniwang nakikita sa National Book Store.

Nakapag-ipon ako ng mga libro. Noong Hulyo 1988-Enero 1989 ay nasa ibang bansa ako, at pagbalik ko sa bansa ay naging manggagawa ako ng isang kumpanya ng electronics sa Alabang. Mahilig pa rin akong magbasa. Hanggang sa mabasa ko ang iba't ibang aklat tulad ng GTU (Genuine Trade Union), Ulos, Aklas, National Midweek, Blood in their Banner, War of the Flea, at samutsaring magasin na nabili ko sa Popular Book Store.

Dahil sa pagbabasa ko ay namulat ako sa mga nangyayari sa lipunan. Hanggang sa muntik na akong tumakbong pangulo ng unyon noong 1991. Subalit dahil bata ng manager ang tiyuhin ko sa kabilang kumpanya, kinausap siya't kinausap naman ako ng aking tiyo. Sa huling pasahan ng aplikasyon, di ako nakapagpasa, dahil nilasing ako ng aking tiyo, kaya ang bise-presidente ko sana ang siyang pumirma sa aplikasyon bilang pangulo ng unyon. Sa botohan sa unyon, nanalo ang aming manok, at natalo ang dating pangulo.

Oktubre 2, 1991, kaarawan ko, ako ang nagsalita sa harapan ng mga katrabaho ko, matapos ang umagang ehersisyo na isinasagawa ng kumpanya araw-araw. Nabulabog ang management sa aking mga binasang kalagayan ng mga manggagawa. Iyon ang una kong pagtatangka na ipagtanggol ang mga manggagawa. Dalawa ang inihanda kong papel. Ang una'y binasa ng HR (human resources) personnel, na hindi naman naibalik sa akin. Ang ikalawa, na itinago ko sa bulsa, ang aking binasa.

Pumasok ako ng kumpanya mula Pebrero 6, 1989, at nag-resign noong Pebrero 6, 1992, eksaktong tatlong taon ng aking pagtatrabaho bilang machine operator sa kumpanya. Hunyo 1992 ay muli akong nag-enrol sa FEATI University. Enero 1993 nang makapasok ako sa The Featinean, ang opisyal na pahayagang pangmag-aaral ng unibersidad, bilang staffwriter. At doon ako niligawan ng dalawang organisador, isang taga-LFS (League of Filipino Students) national, si Sofi (o Sopronio), at ang isa ay mula sa LFS-NCR (ang tsapter ng LFS sa Metro Manila, si Dennis Labo (dahil malabo na ang mata). Ako naman ang pinadalo ng aming editor sa pulong na ipinatawag ng NUSP-NCR (National Union of Students of the Philippines), at sa pulong sa UP Manila ay nakilala ko roon ang iba't ibang lider estudyante, kasama na si Tado Jimenez, na naging kilalang komedyante sa kalaunan. Sa kalaunan ay itinayo nila noong Pebrero 1994 ang counterpart ng NUSP, ang National Federation of Student Councils (NFSC).

Nobyembre 30, 1993, ang LFS-NCR ay natransporma bilang Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) sa isang malaking pagtitipon ng mga estudyante't aktibista mula sa iba't ibang paaralan.

Disyembre 26, 1993 ang iskedyul kong pagsama kay Sofi sa bundok dahil kaarawan ni Mao Zedong, isang kilalang lider ng Tsina, at anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP), subalit hindi sumang-ayon si kasamang Dennis, dahil ako'y nasa Kamalayan na, at isa sa tagapagtaguyod ng Kamalayan sa FEATI University.

Mayo 24, 1994 ay nakasama ako sa isang lightning rally sa Makati upang ipagdiwang ang ikasampung taon ng isang mapagpalayang organisasyon. Labindalawa ang nahuli ng mga pulis, at kabilang ako sa mga nawawala na na-flash ang aming mga pangalan sa telebisyon. Doon nalaman ng aking mga magulang ang hinggil sa aking pagiging aktibista. Dalawang araw matapos iyon ay nahuli naman ang isa naming lider, si Ka Popoy Lagman.

Agosto 17, 1994 ay ipinaabot na sa akin na ako'y kandidatong kasapi na ng isang lihim na organisasyon. Ganap akong sumumpa sa partido. Hanggang ngayon ay ganap na kasapi pa rin ako nito. Lihim kaya dapat ay hindi ko sinasabi rito, subalit nais kong maunawaan ako ng aking pamilya, kaya minsan ay kailangang isulat. Kasama na sa sinumpaan ko ang pagkakaroon ng simpleng pamumuhay, pagtulong sa kapwa, pag-oorganisa ng mga mangggawa bilang uri, at pagpapalaganap ng sosyalismo, lalo na ang teorya ng Marxismo-Leninismo, gawaing intelligence para sa partido, at seguridad ng mga kasama at ng organisasyon. Kaya tuwing Agosto 17 ay nag-iinom akong mag-isa, o kaya'y kasama ko ang aking kolektibo, upang ipagdiwang ang aking anibersaryo sa samahan.

Setyembre 1994 ay naging opisyales ako ng Kamalayan, bilang Basic Masses Integration (BMI) officer, saklaw ang buong rehiyon ng Metro Manila at Rizal, hanggang Hulyo 1995 nang ilunsad nito ang ispesyal na kongreso. Narekrut ako sa ilalim at naglingkod sa gawaing propaganda bilang bahagi ng pwersang insureksyunal. At noong Agosto 1996 ay nahikayat ng aking dating kasamang babae na sumapi at maglingkod sa Sanlakas, kaya napunta ako ng Sanlakas bilang staff mula Agosto 1996 hanggang Oktubre 2001.

Noong 1997, features and literary editor ako ng The Featinean, nang ako'y magpaalam sa pamamagitan ng aking kolum. Nagpasya na akong lumabas sa paaralan at mabuhay bilang aktibista at rebolusyonaryo hanggang kamatayan. Nagpasiya akong maglingkod sa masa ng sambayanan at sa uring manggagawa. Nagpasiya akong isapraktika ang mga teorya ng Marxismo at Leninismo na aking niyakap sa kaibuturan. Nagpasiya akong magpultaym, at wala sa aking bokabularyo ang salitang "laylo", na lagi kong ipinangangaral na huwag gagawin. Nasa pananaw ko na hindi isang aktibidad lamang sa kolehiyo ang aktibismo kundi habambuhay itong bokasyon na dapat isapraktika at isabuhay.

Mayo 2000 ay bugbog-sarado ako at nakulong dahil sa isang rali sa harap ng Senado, kaugnay ng isyu ng Visiting Forces Agreement (VFA). Sa lahat ng mga pagkahuli ko bilang aktibista, iyon ang pinakamatingkad dahil napanood ako sa telebisyon at nalaman ng aking mga magulang ang nangyari. Ang iba kong pagkahuli dahil sa paglilingkod sa bayan ay agad namang naisaayos ng mga abugado ng aming organisasyon.

Nobyembre 2001 hanggang Marso 2008 ay staff ako ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isang pambansang samahan ng mga maralita. Naging manunulat din ako ng kanilang pahayagang Taliba ng Maralita. Mula 2008 hanggang sa kasalukuyan ay naglilingkod ako bilang staff ng pangunahing organisasyong pangmanggagawa, ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Noong 1998-1999 ay nakapagsulat ako sa magasing Tambuli ng BMP. At mula 2003 hanggang bandang 2009 ay nagsusulat ako sa pahayagang Obrero ng BMP.

Noong 2011 ay naging bahagi ako ng pahayagang Ang Sosyalista na nakaisang labas lamang, at noong 2012 naman ay naging manunulat at tagadisenyo ako ng magasing Ang Masa na nakawalong labas naman. Habang paminsan-minsan ay nagsusulat ako ng polyeto, at namamahagi nito.

Hanggang ngayon, patuloy akong nakikiisa mula sa puso ko't diwa sa pakikibaka ng mga manggagawa. Isinisiwalat ko at ipinapaunawa sa mga manggagawa ang mga aral nina Karl Marx, Friedrich Engels, Vladimir Lenin, Filemon Lagman, Che Guevara, Fidel Castro, at iba pang rebolusyonaryo. Nakikipag-ugnayan ako sa iba't ibang mapagpalayang organisasyon hinggil sa mga usaping ito.

Nang itinayo ko ang Aklatang Obrero Publishing Collective, naging tungkulin na nito na ipalaganap ang teorya ng Marxismo at Leninismo sa lahat ng mga manggagawa. At ito ang aking niyakap na tungkulin bilang aktibista, rebolusyonaryo, at propagandista.

Biyernes, Setyembre 9, 2011

Sermon ni Inay: "Pag nagutom ka, kasalanan mo"

SERMON NI INAY: "PAG NAGUTOM KA, KASALANAN MO"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Pag nagutom ka, kasalanan mo." Hindi ito pasigaw, kundi malambing na sermon o payo ni Mommy sa akin. Tama si Mommy, kaya bata pa lang kami ay tinuruan na niya kaming mga anak niya kung paano mabuhay. Natutong makisama, maglinis ng bahay, magluto ng sinaing, maglaba ng aming sariling damit, magbilang ng tama ng bayad at sukli, umuwi ng maaga, pumili ng kaibigang matitino, ilagay ang alak sa tiyan at huwag sa ulo, umiwas sa gulo, magsimba.

Kami'y pinag-aral ng aming mga magulang sa maaayos na paaralan. Kaya inaasahan nilang kakayanin namin ang tumayo sa sariling mga paa.

Isang araw, habang nagninilay-nilay at nakatunganga sa kisame, biglang dinalaw ng mga sermon ni Mommy ang aking tila inaagiw na isipan. Nais ko kasing magsulat noon para iambag sa patimpalak-Palanca. Nagunita ko ang paalala ng aking ina. 


Katatapos ko lang basahin noon ang isang sanaysay kung paano ba namatay ang makatang si Huseng Batute. Namatay siya, hindi pa sa gutom, kundi nalipasan ng gutom kahit may pagkain naman. Pareho kaming makata, at namatay si Huseng Batute o Jose Corazon de Jesus, dahil sa pananakit ng tiyan, at walang laman ang bituka. Doon ko naalala ang bilin ng aking mahal na ina. "Pag nagutom ka, kasalanan mo."

Ang mga salitang ito ang nagbunsod sa akin upang itayo ang Aklatang Obrero Publishing Collective, na unang nakapaglathala ng aklat noong Oktubre 2006. Mag-iisang dekada na rin akong naglilimbag ng mga aklat, na karamihan ay mga koleksyon ko ng tula. Bagamat marami rin akong inilathala na mga antolohiya ng mga sanaysay at tula ng mga manggagawa at maralita.

Nag-isip ako. Ano bang kakayahan mayroon ako upang mabuhay. Pagsusulat? Kailangang mag-aplay sa diyaryo. Paggawa ng tula? Walang pera sa tula, maliban kung mailalathala ka ng lingguhang magasing Liwayway, o iba pang magasin o babasahin. Ngunit kayraming nagpapasa. Daan-daan kung hindi man libo. Mapalad ka na kung malathala ka ng isang beses sa halagang P500 lamang. Hindi iyon sapat upang makabuhay.

Kailangan kong maging malikhain. Kung hindi, baka walang mangyari sa akin. Ayoko namang manghingi ng salapi sa tatay at nanay ko, dahil may sarili na akong buhay. Lalo na't maaalala ko ang mga sermon ni Mommy. Kaya sinuri ko ang kakayahan ko. May kakayahan akong mag-type. Kabisado ko ang microsoft word at pagemaker. Tiyak may pakinabang ang kakayahan kong ito kung gagamitin ko lang ng tama. Di ko pa naisip noon kung paano gumawa ng libro, dahil mukhang magastos, masalimuot ang paggawa, at di ko alam yung proseso ng pagbu-bookbind.

Hanggang mapuna ko sa ilang mga libro kung paano ito na-bookbind, at nakita ko rin minsan sa Recto kung paano ba sila nagbu-bookbind. Baka dito ako pwedeng magsimula. Paano naman ang cover? Nakita kong pwede naman palang tingi-tingi ang pagpapagawa ng cover na colored. Alam ko na. Dagdag pa yung karanasan ko sa paggawa ng dyaryo at magasin dahil dalawang taon akong naging features and literary editor ng publikasyon ng mag-aaral sa kolehiyo, at pagli-layout ng pahayagan ng manggagawa, kaya malakas ang loob ko.

Kaya sinimulan kong ipunin kung ano ang pwede kong i-type, i-layout at ilibro. Nagsulat ako ng liham sa mga kakilala ko na nananawagang pwede kong hingiin na ang mga dati nilang gawang tula, sanaysay, awit at maikling kwento. Aba'y pinagbigyan naman nila ako, habang ang ibang artikulo ay mula sa mga dati ko nang inipon. Naipon ko sa panahong di ko alam na kakailanganin ko pala. Wala akong sariling gamit pero meron akong diskarte. Nakigamit ako ng computer, at nire-type doon ang mga artikulong naipon ko at naipasa sa akin.

Minsan gabi hanggang madaling araw ko ito ginagawa. Isinisingit ko habang nagle-layout ng pahayagang Obrero ng manggagawa ang pag-layout ko ng libro. Ni-layout ko at nilagyan ng mga litrato, ang anumang natutunan ko sa paggawa ng pahayagang Obrero ay ginamit ko sa paggawa ng libro, nag-print ako ng isang kopya, inedit isa-isa baka may makalusot, at nung okey na, pinagawa ko sa labas. Nagawa ko'y dalawampung kopya ng kauna-unahang isyu ng MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa, na umabot ng isandaang pahina, at ang size ay katumbas ng kalahati ng short bond paper. Oktubre 2006 nang ito'y malathala at ako na ang tumayong editor ng kalipunang ito ng panitikang manggagawa.

Mula noon, nagsimula na ang paglalathala ko ng sari-saring libro, at may kumakausap pa sa akin dahil nais nilang malathala rin sila. Isinaaklat ko na rin pati mga kolum at sanaysay ko na nalathala sa magasing pangkolehiyo.

Kaya kahit munting bisnes lamang itong aking itinayong Aklatang Obrero Publishing Collective, umaabot na ng mahigit apatnapung pamagat ng aklat na ang nasa talaan ng mga aklat na aking nalathala. At kalahati rito ay ang koleksyon ng aking mga tula.

Malaking aral sa akin ang sermon ni Mommy, dahil kung hindi, baka gutom ang abutin ko. Maraming salamat sa pagkamalikhain na namana ko sa aking ama't ina. Natuto akong magkaroon ng munting pagkakakitaan, na siya namang ginagamit ko sa araw-araw, habang patuloy pa rin akong nagsusulat, kumakatha ng tula, at nakikibaka sa kalsada.

Lunes, Hunyo 27, 2011

BILI NA KAYO... ng libro!

BILI NA KAYO... ng libro!
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Akala ng iba, basta may bisnes kang kaunti, lagi ka nang may pera. May pampainom ka na sa barkada. May pambili ka na ng gamit mo, tulad ng bagong pantalon, t-shirt, at mga nais mong basahing libro, na siyang tambak sa mga gamit ko. Pero kadalasan, kahit may bisnes, wala pa ring pera. Minsan, kailangang maglakad ng malayo dahil nagtitipid sa pamasahe.

Maliit lang naman ang bisnes ko, magbenta ng libro. Pero hindi ito basta pagbebenta lang. Ako ang nag-type ng teksto sa komyuter, nagi-edit, at mismong pagsasagawa ng buong proseso, mula sa pagli-layout ng libro sa pagemaker, pagdidisenyo ng pabalat sa microsoft publisher, paggi-grayscale ng mga litrato sa photoshop, pagpapa-print sa labas, pagbu-bookbind ng isa-isa, pagpapa-cut ng libro, paglalagay sa plastik, pagdidikit ng presyo at mismong pagbebenta.

Pero paano nga ba ako nagsimula sa pagbebenta? Natuto na akong magtinda-tinda nuong bata pa lang ako. Wala lang, trip ko lang. Bibili ako ng isang palabunutan na cardboard na malaki at may pipilasin kang numero sa ibaba upang matamaan mo ang premyo, na karaniwan namang mga mumunti ring bagay, tulad ng kendi, bubble gum, eraser, o lapis ang tatamaan. Ang tubo sa binili kong palabunutan ang siya namang ginagamit ko pambili ng ilang gamit.

Hanggang sa maka-gradweyt ako sa hayskul. Mula sa kolehiyo'y nag-aral ng bokasyunal sa isang technical center, hanggang sa ipadala ako ng eskwelahan sa ibang bansa ng anim na buwan. Pagbalik ko rito'y nagtrabaho bilang machine operator sa pabrika ng pyesa ng computer. Syempre, sumasahod na ako ng minimum kaya di ako nakaisip magtinda ng anuman. Hanggang sa mag-resign ako sa pabrika matapos ang tatlong taon, at mag-aral akong muli. Dito nagsimulang malathala ang aking mga sinulat dahil nakapasok ako bilang kasapi ng pahayagang pangkampus. Mula rito'y naging aktibista, naging bahagi ng kilusan ng uring manggagawa, at nag-full time sa pagkilos. Wala namang sapat na pera sa pagkilos, dahil di ka naman sinasahuran dito, volunteer nga ang istatus mo. May alawans namang naibibigay paminsan-minsan, pero kadalasan wala. Kaya kailangan mong dumiskarte. Nagbenta ako ng magasin. Sumubok din akong magsulat sa komersyal na pahayagan. Dalawang artikulo ko ang nalathala sa Dyaryo Uno.

Nang maging manunulat ako ng pahayagan ng manggagawa, ibinebenta rin namin ito. Ang bahagi ng napagbentahan ay nagiging pansamantalang alawans. Ngunit hindi naman ito sapat. Kailangang dumiskarte. Nag-isip ako. Ano naman ang pwede kong maibenta? Ano ba ang mga kailangan ng kapwa ko na pwede kong maibenta para may panggastos sa pagkilos? Kailangan kong maging malikhain. Kung hindi, baka walang mangyari sa akin. Ayoko namang manghingi sa tatay ko, dahil may sarili na akong buhay. Sinuri ko ang kakayahan ko. May kakayahan akong mag-type. Kabisado ko ang microsoft word at pagemaker. Tiyak may pakinabang ang kakayahan kong ito kung gagamitin ko lang ng tama. Di ko pa naisip noon kung paano gumawa ng libro, dahil mukhang magastos, masalimuot ang paggawa, at di ko alam yung proseso ng pagbu-bookbind.

Hanggang mapuna ko sa ilang mga libro kung paano ito na-bookbind, at nakita ko rin minsan sa Recto kung paano ba sila nagbu-bookbind. Baka dito ako pwedeng magsimula. Paano naman ang cover? Nakita kong pwede naman palang tingi-tingi ang pagpapagawa ng cover na colored. Alam ko na. Dagdag pa yung karanasan ko sa paggawa ng dyaryo at magasin dahil dalawang taon akong naging features and literary editor ng publikasyon ng mag-aaral sa kolehiyo, at pagli-layout ng pahayagan ng manggagawa, kaya malakas ang loob ko.

Kaya sinimulan kong ipunin kung ano ang pwede kong i-type, i-layout at ilibro. Nagsulat ako ng liham sa mga kasama na nananawagang pwede kong hingiin na ang mga dati nilang gawang tula, sanaysay, awit at maikling kwento. Aba'y pinagbigyan naman nila ako, habang ang ibang artikulo ay mula sa mga dati ko nang inipon. Naipon ko sa panahong di ko alam na kakailanganin ko pala. Wala akong sariling gamit pero meron akong diskarte. Nakigamit ako ng computer, at nire-type doon ang mga artikulong naipon ko at naipasa sa akin.

Minsan gabi hanggang madaling araw ko ito ginagawa. Isinisingit ko habang nagle-layout ng pahayagang Obrero ng manggagawa ang pag-layout ko ng libro. Ni-layout ko at nilagyan ng mga litrato, ang anumang natutunan ko sa paggawa ng pahayagang Obrero ay ginamit ko rito, nag-print ako ng isang kopya, inedit isa-isa baka may makalusot, at nung okey na, pinagawa ko sa labas. Nagawa ko'y dalawampung kopya ng kauna-unahang isyu ng MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa, na umabot ng isandaang pahina, at ang size ay katumbas ng kalahati ng short bond paper. Oktubre 2006 nang ito'y malathala at ako na ang tumayong editor ng kalipunang ito ng panitikang manggagawa.

Paano ko ilalagay ang presyo nang hindi babakat sa anumang bahagi ng libro? Baka kasi ayaw ng ibang makakabili ng may presyo at tinatanggal nila agad ito, baka masira. Kaya naisipan kong ilagay ang bawat libro sa plastik, singkapal ng pang-kober ng libro. At sa plastik ko ilalagay ang computerized na presyong P100 bawat isa. Nag-klik naman ang una kong proyekto.

Nang maubos lahat ng benta kong libro at makaipon muli ng pampagawa, gumawa uli ako ng dalawampung kopya, ibinenta, naubos, gumawa uli, ibinenta, naubos, gumawa muli, hanggang sa ito'y dumami. Pinaikot ko ang puhunan. Dito na nagsimula ang aking career bilang small-time publisher. At pinangalanan ko ang munting publishing house na ito ng Aklatang Obrero Publishing Collective. Wala itong opisina hanggang ngayon dahil wala naman itong sariling gamit, at di sapat ang salapi para umupa ng sariling opisina.

Ikalawa kong pagi-eksperimento ang paggawa ng 1/4 size na libro, o kalahati ng laki ng una kong libro. Bumili ako ng makakapal na colored paper para gamitin sa cover ng libro. Ganuon din ang proseso tulad ng naunang libro. Kaya Pasko ng 2006 ay marami akong napagbentahan ng libro. Nuong 2007, ang isang librong isinulat ko para sa ika-100 anibersaryo ng kamatayan ni Macario Sakay ay inilathala ng isang samahan sa history, ang Kamalaysayan (Kampanya sa Kamalayan sa Kasaysayan), na inilunsad sa UP Manila kasabay ng anibersaryo ng kamatayan ni Sakay noong Setyembre 13, 2007.

Noong 2007, nailathala naman ang unang isyu ng Komyun: Katipunan ng Panitikang Maralita, at noong 2008 ay ang Tibak: Katipunan ng Panitikang Aktibista; nakatatlong isyu ang Maso; nakadalawa ang Komyun, at isang isyu lang ang Tibak. Noong 2008 din lumabas ang librong Ka Popoy: Working Class Hero, na koleksyon naman ng artikulong nasulat hinggil kay Ka Popoy, na karamihan ay sinulat ng kanyang mga kasamahan sa kilusan. Nitong 2010 naman ay naisalibro ng Aklatang Obrero ang pakikibaka ng mga manggagawa ng Goldilocks. Kung may pagkakataon, sisimulan na rin ang paggawa ng libro ng tagumpay ng 12 manggagawa ng Imarflex sa Marikina sa kanilang isinagawang welga. Pero kailangan muna silang ma-interbyu.

Diskarte lang para magkapera, lalo na't kulang ang allowance ko sa pagkilos. Kahit papaano, sa paggawa ng libro, nagagawa ko pa ng higit ang aking gawain bilang manunulat at makata ng kilusan. Dahil sa mga libro'y naipapakalat ang panitikan ng manggagawa, maralita't aktibista at mga sulating pulitikal ng mga lider-manggagawa. Ito na ang isa sa mga naging papel ko sa kilusang paggawa.

“Bili na kayo ng libro.” Karaniwan na itong naririnig sa akin ng mga kasama, kaeskwela, kamag-anak, at kakilala. Sa ngayon, mahigit nang tatlumpung klase ng libro ang nagawa ko't naibenta; inilibro ko na rin ang sarili kong mga akda (koleksyon ng mga tula, at mga sanaysay na nalathala); ang iba naman ay mga librong kailangan ng kilusan, tulad ng ARAK (Aralin sa Kahirapan), Puhunan at Paggawa, at Landas ng Uri; habang ang iba naman ay pagsasalin mula sa wikang Ingles sa sariling wika, tulad ng Si Che: Talambuhay at Mga Sulatin, at Che Guevara at Medisina.

Mahirap magbenta, kung paanong mahirap ding maghanap ng puhunan para sa pagpapagawa ng libro. Kadalasan, yung alawans ko sa kilusan ang pinampapagawa ko ng libro at pinapaikot ko na lang. Pag nabenta ang sampung kopya, gawa uli ng panibago. Alam ko na ang teknolohiya ng paggawa ng libro, pero di ko na ito sasabihin dito. Ang mahalaga, nakaka-diskarte ako ng pera para makakilos, nang hindi nangangalabit at nanghihingi sa mga kasama. Mahirap kasing maging kalabit-penge.

Lahat ng gamit ng Aklatang Obrero sa paggawa ng mahigit na tatlumpung klase ng libro sa ngayon ay pawang hiram. Hiram ang computer, hiram ang pagemaker, photoshop, publisher, at iba pang computer program, hiram ang pam-bookbind, hiram lahat; ang tanging pag-aari lang ng Aklatang Obrero ay ang lakas-paggawang ipinuhunan sa paggawa ng mga aklat. Panahon na lang ang makapagsasabi kung makakabili na ba ng sariling printing press ang Aklatang Obrero.

Mula sa pagdiskarte paano magkapera, mas lumalim pa ang naging layunin ko sa paggawa ng libro - ang maipon ang iba't ibang sulatin, at masulat ang mga kwentong di pa naisusulat upang mailathala. Marami pang dapat isulat, marami pang dapat isalibro. At magpapatuloy ang Aklatang Obrero sa paggampan sa tungkuling ito.

Maraming salamat sa mga kasama sa kanilang mga tulong at pagsuporta sa proyektong ito. Kung wala kayo, baka di ako nagpapatuloy sa aking pakikipagsapalaran sa paggawa ng libro. Mabuhay kayo, mga kasama!

Sabado, Mayo 28, 2011

Kung ako'y mag-aasawa

KUNG AKO'Y MAG-AASAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kung ako'y mag-aasawa, nais kong isang dalagang maganda ang aking makapiling habambuhay. Oo, iyon ang unang batayan, ang siya'y maganda sa aking paningin. Ikalawa lamang ang puso o kalooban. Bakit nga ba gayon?

Maganda, hindi man siya mahinhin, at ang mga mata'y nangungusap. Oo, mata agad ang una kong tinitingnan, bago pa ang kanyang labing kaysarap hagkan o ang kanyang bilugang mukhang kaysarap pagmasdan. Maganda at tila isang diwatang sinasamba. Isang mutyang kaysarap ihatid sa altar. Isang dilag na hindi ko pagsasawaang titigan, halik-halikan, lambing-lambingin at yapus-yapusin kahit kami'y matatanda na.

Maganda, kahit barako ang tindig, na animo'y amasonang may hawak na armalayt, at kasama sa prinsipyo't paninindigan upang paglingkuran ang bayan at mulatin ang uring manggagawa sa kanilang mapagpalayang papel sa lipunan. Magandang amasonang nakakakilig.

Maganda, kahit na masungit, basta kyut ang dating. Isang natural na ganda na hindi dinaan sa anumang kolorete. Maaari namang magbago ang ugali ng tao, subalit hindi ang mukha, maliban na lang ngayong matindi na ang teknolohiya ng pagpapaganda.

Maganda, kahit hindi na birhen. Kung ano man ang kanyang pinagdaanan ay aking tatanggapin, kahit siya man ay may anak na. Ika nga sa isang awit, "Maging Sino Ka Man".

Maganda, subalit ayaw ko ng Maria Clara. Mas mabuti pa ang isang babaeng tulad nina Gabriela Silang, ni Oriang na Lakambini ng Katipunan, o nina Liliosa, Liza, at Lorena na nasa awiting “Babae”. Maganda, palaban, may prinsipyo para sa bayan. Hindi makasarili.

Marami rin akong niligawan noon, at marami rin naman akong naramdamang tila nagkakagusto sa akin. Iyon nga lang, torpe ako. Hindi basta makapagsalita sa babaeng nililigawan. Ilang beses ko iyong napatunayan sa aking sarili. Kaya marahil umabot ako sa ganitong edad. Isang matandang binatang tila nabinat na sa kahahanap ng forever, ng pagsintang animo'y walang kamatayan. Tila ba napipipi at animo'y tuod pag kaharap ang mutyang nililiyag ng puso. Gayong pag hindi ko naman nililigawan ay para lang kaming magkaibigan at ako ang makwento.

Minsan nga, habang nag-uusap kami ng aking nililigawan, bigla na lang akong tumayo at nagpaalam, dahil iba na pala ang nasa takbo ng aking utak. Kaya sabi agad ng babae, "Sandali, may ikinukwento pa ako. Bakit bigla kang aalis." Iyan marahil ang sakit ng tulad kong manunulat at makata, laging nananaginip ng gising.

Si Lani Matira mula sa Batangas ay nagkaasawa na ng foreigner. Si Aiza at si Amabelle na katrabaho ko noon, ang magandang si Liwayway Cortez, si Jean na kasama ko sa publikasyon. Si Tess Dioquino na Pinay na nakilala ko sa Japan, na ang aming litrato'y matagal na nakadispley sa aming bahay. Ang haponesang una kong nakaniig sa lungsod ng Hanamaki. Si Pia na isang makata, na nakahahalina ang dating at isa ring aktibista. Si Liberty na talagang kyut ang dating at kasama sa maraming organisasyon, tulad ng pangkasaysayan at pangkalikasan. Si Jenevive na isang lider-manggagawa, at tinagurian kong Bulaklak ng Blumentritt, na pamagat ng isa kong tula sa kanya.

Si Michelle na biyuda ng isa naming lider sa organisasyon. Si Judy na dalawang beses kong nakasamang nabugbog sa rali at dati kong kolektibo. Si Malou na kababata ko ay matagal nang nasa Amerika at marahil ay nag-asawa na. Si Lourdes na kaklase ko ng elementarya'y may asawa na rin. 

Si Fides ay dalaga pa rin nang mag-reunion kaming magkakaklase sa elementarya, tatlumpung taon na ang nakalipas nang grumadweyt kami. Sa edad niyang 43, at gayon din ako, ay dalagang-dalaga pa rin siya't sobrang ganda niya sa aking paningin. Isang Miss Universe na karapat-dapat sambahin. Kaya marami akong inialay na tula sa kanya, at ginawan ko pa iyon ng blog sa internet.

Si Ditas na taga-Pepin at kababata ko rin ay binalak kong ligawan. Nasa high school ako noon. Ngunit diyaheng ligawan, dahil nililigawan ng kuya niya ang ate ko. Ang kuya niya ay lider namin sa isang munting samahan, kaya pag pupuntahan ko ang kuya niya, minsan ay si Ditas ang nagbubukas ng pinto. Ang ganda-ganda niya.

Sa kilusan, pinakilig ako nina alyas Alex at alyas Veron. Si alyas Marielle ay nasa ibang kilusan na napunta. May ilan pang babaeng hindi ko na matandaan ang pangalan, subalit naging crush ko rin. O marahil hindi na dapat ilagay ang kanilang pangalan dito dahil sa mga karanasang hindi na dapat mabanggit. Gayunpaman, bahagi pa rin sila ng aking buhay pag-ibig.

Kung ako'y mag-aasawa, nais kong tanggapin ako ng aking mapapangasawa kung ano ako, kung ano na ang naabot ko, kung ano ang mga pangarap ko, lalo na sa usaping pulitika't ideyolohiya, kahit hindi niya iyon yakapin.

Kung ako'y mag-aasawa, nais kong unawain niya ako, ang pagiging mapangarapin ko ng gising, dahil pakiramdam ko'y lagi akong kumakatha pag may nakikita at napupuna akong dapat itula.

Kung ako'y mag-aasawa, nais ko siyang pakasalan sa isang simple at hindi marangyang kasalan. Dahil hindi naman ako mayaman sa pananalapi, bagamat mayaman sa taludtod at saknong na kinakatha. Kung posible'y wala pang sampung tao ang nasa kasalang iyon: kaming dalawa, ang magkakasal, nanay at tatay namin, at tig-isang ninong at ninang.

Kung ako'y mag-aasawa, nais kong samahan din niya ako sa aking mga pakikibaka tungo sa isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Nais kong buong puso akong suportahan ng aking mapapangasawa sa lahat kong gawain, tulad ng balak kong pagsusulat ng nobela, paglalathala ng mga aklat, sa mga gawaing pananaliksik at pagsasalin, at sa mga gawaing pampanitikan at pangkultura.

At kung kami'y mag-asawa na, nais kong tanggapin niya ako kung sakaling itira ko siya sa aking munting dampa, at hindi sa isang kaharian, pagkat ang munting dampang iyon ay isang paraiso na aming bubuuin para sa aming magiging mga anak. 

At kung kami'y mag-asawa na, magsisipag akong lalo, sa trabaho at pati na sa gawaing bahay. Tulung-tulong kaming mag-asawa upang tunay na mabuo ang pamilya.

Kung sakali mang hindi siya magbuntis agad, magsasayaw kami sa Obando, Bulacan, doon sa imahen ni Santa Clara. Pagbabakasakali, kahit labag sa diyalektiko. Si Santa Clara ang pinaniniwalaang patron ng mga babaeng hindi magkaanak upang magbuntis. Ang maranasan ko lang ito'y malaking bagay na rin dahil tiyak na makagagawa ako ng ilang tula at sanaysay hinggil sa aming pagsasayaw sa Obando. 

Nawa'y kayanin ng magiging asawa ko ang magbuntis ng limang beses kung walang kambal, na ibig sabihin ay limang anak. Subalit kung isa lang ang kaya, isa lang ang anak na bubusugin namin sa pagmamahal.

Magaling ako, at iyon ang lagi kong nasa isip. Kaya hindi magugutom ang aking magiging asawa sa piling ko. At hindi ko naman gugutumin ang pamilya ko, lalo na ang aming magiging mga anak. Lalaki silang malulusog at matatalino.

Oo, simple lang ang aking pangarap kung ako'y mag-aasawa. Isang babaeng maganda at hindi ko pagsasawaang tingnan habang ako'y nabubuhay. Bubuuin namin ang isang pamilyang hindi naghihikahos, kundi kumakain ng tatlong beses sa isang araw. At pareho naming papangarapin at kami’y magkasamang kikilos tungo sa isang lipunang walang pagsasamantala.

Martes, Mayo 24, 2011

Nangarap din akong magsundalo noon

NANGARAP DIN AKONG MAGSUNDALO NOON
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-eenrol pa lang ako noon bilang 4th year sa hayskul (school year 1984-85), nang ako'y niyayang maging aktibo sa Citizen's Army Training (CAT) sa Letran High School at maging isa sa mga opisyal ng mga kadete. Sumang-ayon ako, dahil nagbabakasakali rin akong may mga dagdag na matutunan, bukod pa sa dagdag na kaibigan. Inilagay ako sa Batallion at nasa G2 Intelligence ang aking posisyon. Ang mga kasama ko'y G1 Adjutant, G3 Operations at G4 Supplies. Nasa ikalawang grupo kami mula sa Officers Corps na pinamumunuan ng Corps Commander, na isa kong kaklase.

Isinagawa ang bivouac ng Letran CAT sa Cavite. Marami akong natutunan doon, lalo na ang mabilis na paggapang sa damuhan, pagsuot sa mga barbwire, pag-akyat at pagbaba ng puno gamit ang makapal at matibay na tali, ang paggapang sa tali mula sa isang puno patungo sa isa pang puno, at marami pang iba.

Sa tanggapan ng CAT ay nakasama ko ang aking mga kaklase, na naging mga kaibigan ko na rin. Bawat isa sa amin ay may espada, at talagang pinakikintab namin iyon upang magningning sa araw, pati na ang buckle ng aming mga sinturon. Madalas kaming mag-report doon matapos ang aming klase o kaya'y recess. Minsan ay naiimbitahan kami, at nakasuot ng gala uniform, pag may aktibidad ang mga ahensya ng gobyerno. Halimbawa, sa Commission of Immigration and Deportation (CID, na Bureau of Immigration na ngayon) na katabi ng aming paaralan.

Nagkaroon din kami ng sponsors, at nakasama namin bilang partner ang mga kababaihang mag-aaral na taga-St. Mary's Academy sa Quezon City. Habang ginaganap ang seremonya ng Corps of Cadets sa Letran grounds kasama ang mga partner namin, na pawang nakaputing kasuotan, kami ay inulan, kaya nabasa kami at naputikan. Kinagabihan, sa isang club sa Quezon City kami nagkaroon ng munting salu-salo at sayawan kasama ang mga dalaga.

Sa unang taon ko sa kolehiyo, ako'y nag-COCC (Cadet Officers' Candidate Corps) sa FEATI University, at doon sa Philippine Air Force grounds ginanap ang Citizen's Military Training (CMT) 11 tuwing Linggo. CMT na ang tawag noon, at hindi na ROTC (Reserve Officers Training Corps). Dalawa ang tanggapan ng CMT sa amin, isang hawak ng Air Force at isang hawak ng Navy. Doon ako sa Air Force nag-COCC dahil ang kurso ko ay Aeronautical Engineering. Tuwing Linggo ang training namin. Kinailangan ko pang sumakay ng LRT (na bagong tayo lang noon) sa Carriedo station upang makarating sa Baclaran Station, at mula roon ay sasakay ng dyip patungong PAF HQ, dahil doon ginaganap ang CMT ng FEATI. Malapit lang iyon sa PAFCA, na isa sa dalawang eskwelahan, kasama ang FEATI, na nago-offer ng BS Aeronautical Engineering.

Sa pagiging COCC, doon ko naranasan ang masuntok ako sa tiyan ng aming opisyal. Pati na ang pagkain ng santambak na sili sa isa naming aktibidad, at ang paglipat-lipat ng chewing gum sa bunganga ng kapwa kadete. Kahit na ang pagpapakintab ng sapatos ng aming mga opisyal ay aming isinagawa. 

Sumama rin ako sa pagkuha ng 45-days military training na pinangasiwaan ng MMCMTC (Metro Manila Citizen's Military Training Command) sa Fort Bonifacio. Bale iyon ang CMT 23. Hindi rekisitos ang CMT 23 sa hindi magsusundalo, ngunit required ang CMT 11 at 12 sa unang taon, CMT 21 at CMT 22 sa ikalawang taon, bale apat na semestre, upang maka-graduate ka sa iyong kurso. Sa CMT 23 ay natuto kami sa ilang teoryang militar at minsan, nang magalit sa amin ang isang tenyente ay pinagapang kami sa putikan.

Alas-singko pa lang ng madaling araw ay gumigising na kami, at nagpopormasyon upang mag-jogging suot ang aming combat boots. Habang nagja-jogging ay may chanting at inuulit namin ang chanting. Tuwing umaga ay gayon.

Maaari naman kaming umuwi pag araw ng Sabado at babalik ng Linggo. subalit nagdesisyon akong huwag umuwi tulad ng karamihan, upang talagang maranasan ko ang buhay sa kampo. May inisyu sa aming unipormeng pansundalo, unan, kumot, canteen (na gamit sa pagkain), combat boots, at sabay-sabay kaming kumakain. Kanya-kanyang hugas ng gamit. Ang tulugan namin ay sa barracks.

Minsan, nilibot din naming mga kadete ang headquarters ng Philippine Marines sa Fort Bonifacio, at nakita ko ang kanilang book store. May magagandang librong nais kong bilhin subalit dapat kong pag-ipunan.

Kumuha rin ako ng exam ng dalawang beses na ibinigay ng Philippine Military Academy (PMA).  Ang una ay noong 1985, nakasama ako sa top 100 sa test. At kaming mga nakapasa ay iniskedyul na kumuha naman ng physical examination sa V. Luna Medical Center. Nakasampung araw din kami roon. Hindi ko na nakuha ang resulta ng physical exam dahil nawala na ang ibinigay sa aming consent paper na dapat pirmahan ng aming mga magulang. Ang ikalawa kong kuha ng exam ay noong 1987. Nakapasa ako muli, at ang physical exam sa V. Luna Medical Center ay tumagal na lamang ng tatlong araw.

Kung hindi ako papasang sundalo, o hindi ako papasa sa Philippine Military Academy (PMA), marahil hindi talaga iyon ang linya ko. Bagamat maaari naman akong maging sundalo pag natapos ko ang CMT 33 at CMT 43, at magparehistro bilang reservist, o maging aktibo na bilang 2nd Lt., dahil graduate na ng kolehiyo. 

Nasa isip ko noon, pag di ako pumasa sa PMA, mag-i-NPA (New People's Army) ako upang makapaglingkod din ako sa bayan.

Minsan, isinama ko ang isa kong ka-batch na kadete sa bahay upang kunin ang ilan kong gamit. Nakaaway ko kasi ang isa kong kapatid, kaya nagpaalam na ako sa aking ina na doon muna ako titira sa headquarters ng mga kadete na katabi ng FEATI U Annex. Doon na sa HQ ako natutulog at naglalaba ng aking mga kagamitan. Iyung pagkain ay nakikisalo sa mga staff at opisyal ng HQ, na hawak naman ng Air Force.

Parang ayaw ko nang pumasok sa kurso ko sa kolehiyo sapagkat masaya na ako doon sa headquarters ng mga kadete. Nais ko nang maging ganap na sundalo, at mapasabak na sa field, o sa giyera upang ipagtanggol ang bayan. 

Subalit hindi na natuloy iyon, pagkat panahon iyon na kailangan na naming pumili ng ka-partner na babae, mas maganda kung kaklase, bilang paghahanda sa gaganaping Corps of Sponsors. Ang kaklase kong maganda at crush ko ay tumangging maging partner ko, dahil din sponsor ang tawag kaya baka mapagastos pa siya. Bukod pa roon, wala naman akong sapat na salapi dahil wala naman akong trabaho. Hanggang sa ako'y kusang umalis doon at nagtungo sa bahay ng aking tiyuhin upang mag-aral ng anim-na-buwan sa isang technical center. Tatlong buwan pa lang ay ipinadala na ako ng technical center na iyon sa ibang bansa para sa anim na buwan pang training. Pagbalik sa bansa ay naging pioneer sa isang kumpanya ng electronics, at tatlong taon na naging machine operator.

Gayunpaman, ang mga natutunan ko sa pagiging kadete ay nagamit ko maging sa ibang bansa. Mula hayskul hanggang kolehiyo ay naging aktibo ako sa mga gawaing pangkadete (1984-87) dahil pangarap ko nga noon na maging sundalo. Ngunit marahil ay hindi iyon para sa akin. Subalit ang mga karanasan ko bilang kadete ay malaking bagay na kung saan ako ngayon. Ang mga training na nadaluhan ko ay nakatulong sa akin ng malaki sa pang-araw-araw kong buhay.

Lunes, Mayo 16, 2011

Nangarap din akong maging pari

NANGARAP DIN AKONG MAGING PARI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang simbahan ang magkatabi sa Bustillos sa Sampaloc, Maynila, na kapwa ko naging tambayan noong kabataan ko. Ang isa'y ang Our Lady of Loreto Parish, at ang isa naman ay ang Saint Anthony Shrine o VOT (Franciscan). Pareho ko itong pinupuntahan tuwing Linggo, o kaya'y Sabado at Linggo, dahil na rin sa marami kong sinamahang grupo rito.

Hayskul ako noon nang maging bahagi ako ng Catholic Youth Movement (CYM) noong 1984, nang makatapos ako sa tatlong araw na Life in the Spirit Seminar (LSS) na isinasagawa ng Holy Name Society sa Loreto Parish. Kabilang ang aking ama sa Holy Name Society. Nakasama rin ako sa grupong Magnificat na kumakanta sa misa tuwing Linggo ng hapon sa simbahan ng Loreto. 

Sa katabing simbahan naman ng Saint Anthony Shrine o VOT, naglingkod ako bilang lector o tagabasa sa misa. Naging bahagi rin ako ng Franciscan Missionary Union (FMU), at nakasama sa dalawang linggong paglalakbay ng FMU sa isla ng Basilan sa Mindanao noong 1994. Naging aktibo rin ako sa grupong Justice, Peace and Integrity of Creation (JPIC) sa VOT. 

Minsan na rin akong gumanap bilang Bro. Dominic Savio na kasamahan ni Saint Francis sa dulang Father Sun, Sister Moon, sa VOT. Basta may aktibidad sa simbahan, sali agad ako. Ganyan ako kaaktibo noong aking kabataan sa mga gawaing pangsimbahan. Kahit sa usapin ng sports, naging kinatawan ako ng Saint Anthony Shrine sa pa-chess tournament ng Holy Name Society sa simbahan ng Loreto. 

Nakadalo na rin ako sa ilang panrelihiyosong seminar, at nakapunta sa isang seminar house sa Tagaytay, kasama ang ilang mga kaeskwela noong elementarya. Nagtayo kasi kami noon ng isang scouting group, ang Nazareth Alumni Scouting Association (NASA), na nakabase sa Caritas sa Maynila. At kahit nasa hayskul na at kolehiyo ay paminsan-minsan pa ring nagkikita. Noong panahon namin, bagamat may hayskul sa Nazareth School, hanggang elementarya lamang ang mga lalaki at lilipat na ng paaralan pag naghayskul na. Pulos mga babae ang mag-aaral sa hayskul.

Masarap magseminar, at maganda ang kapaligiran sa kumbentong aming tinuluyan. Para bagang ayaw mo nang umalis doon. Para bang gusto ko nang magpari.

Minsan, sinagutan ko ang isang paanyayang brochure ng isang kongregasyon upang makadalo sa isang pagtitipon ng magpapari. Pagkatapos noon ay wala na at nakalimutan ko na. Hanggang ilang linggo o buwan ang nakalipas, may dumating na liham sa bahay mula sa kongregasyong iyon. Nagulat ako, akala ko gayon-gayon lang ang pagsagot doon. Ang aking ina pa nga ang nakatanggap niyon, hanggang ipabasa sa akin. Sabi niya, kung gusto kong magpari, susuportahan nila ako.

Subalit parang wala naman akong ginawa upang matuloy iyon. Parang binasa ko lang ang natanggap na sulat. Hindi ko na napuntahan kung ano man ang paanyayang nakasulat sa liham. Marahil ay sa dami na rin ng aktibidad sa paaralan. Kumbaga'y nawala sa loob ko kung magpapari nga ba ako. Bagamat nang sinagutan ko yaong paanyaya ay para akong nasa langit dahil katatapos lamang ng pangrelihiysong seminar na dinaluhan ko.

Marahil, ang isa sa mga dahilan kung bakit di ako nakapagpari ay dahil hindi sila nag-aasawa. At ako naman, nais kong magkaroon ng asawa at anak. Bagamat nang sinagutan ko ang brochure ay hindi ko iyon naiisip.

Gayunpaman, masaya ako na nakapaglingkod sa simbahan noong aking kabataan.

Habilin

HABILIN ni Gregorio V. Bituin Jr. Sa malao't madali'y aabutin ko rin ang oras ng paghihingalo, ang huling kabit ng aking hininga. Pa...