Sabado, Mayo 28, 2011

Kung ako'y mag-aasawa

KUNG AKO'Y MAG-AASAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kung ako'y mag-aasawa, nais kong isang dalagang maganda ang aking makapiling habambuhay. Oo, iyon ang unang batayan, ang siya'y maganda sa aking paningin. Ikalawa lamang ang puso o kalooban. Bakit nga ba gayon?

Maganda, hindi man siya mahinhin, at ang mga mata'y nangungusap. Oo, mata agad ang una kong tinitingnan, bago pa ang kanyang labing kaysarap hagkan o ang kanyang bilugang mukhang kaysarap pagmasdan. Maganda at tila isang diwatang sinasamba. Isang mutyang kaysarap ihatid sa altar. Isang dilag na hindi ko pagsasawaang titigan, halik-halikan, lambing-lambingin at yapus-yapusin kahit kami'y matatanda na.

Maganda, kahit barako ang tindig, na animo'y amasonang may hawak na armalayt, at kasama sa prinsipyo't paninindigan upang paglingkuran ang bayan at mulatin ang uring manggagawa sa kanilang mapagpalayang papel sa lipunan. Magandang amasonang nakakakilig.

Maganda, kahit na masungit, basta kyut ang dating. Isang natural na ganda na hindi dinaan sa anumang kolorete. Maaari namang magbago ang ugali ng tao, subalit hindi ang mukha, maliban na lang ngayong matindi na ang teknolohiya ng pagpapaganda.

Maganda, kahit hindi na birhen. Kung ano man ang kanyang pinagdaanan ay aking tatanggapin, kahit siya man ay may anak na. Ika nga sa isang awit, "Maging Sino Ka Man".

Maganda, subalit ayaw ko ng Maria Clara. Mas mabuti pa ang isang babaeng tulad nina Gabriela Silang, ni Oriang na Lakambini ng Katipunan, o nina Liliosa, Liza, at Lorena na nasa awiting “Babae”. Maganda, palaban, may prinsipyo para sa bayan. Hindi makasarili.

Marami rin akong niligawan noon, at marami rin naman akong naramdamang tila nagkakagusto sa akin. Iyon nga lang, torpe ako. Hindi basta makapagsalita sa babaeng nililigawan. Ilang beses ko iyong napatunayan sa aking sarili. Kaya marahil umabot ako sa ganitong edad. Isang matandang binatang tila nabinat na sa kahahanap ng forever, ng pagsintang animo'y walang kamatayan. Tila ba napipipi at animo'y tuod pag kaharap ang mutyang nililiyag ng puso. Gayong pag hindi ko naman nililigawan ay para lang kaming magkaibigan at ako ang makwento.

Minsan nga, habang nag-uusap kami ng aking nililigawan, bigla na lang akong tumayo at nagpaalam, dahil iba na pala ang nasa takbo ng aking utak. Kaya sabi agad ng babae, "Sandali, may ikinukwento pa ako. Bakit bigla kang aalis." Iyan marahil ang sakit ng tulad kong manunulat at makata, laging nananaginip ng gising.

Si Lani Matira mula sa Batangas ay nagkaasawa na ng foreigner. Si Aiza at si Amabelle na katrabaho ko noon, ang magandang si Liwayway Cortez, si Jean na kasama ko sa publikasyon. Si Tess Dioquino na Pinay na nakilala ko sa Japan, na ang aming litrato'y matagal na nakadispley sa aming bahay. Ang haponesang una kong nakaniig sa lungsod ng Hanamaki. Si Pia na isang makata, na nakahahalina ang dating at isa ring aktibista. Si Liberty na talagang kyut ang dating at kasama sa maraming organisasyon, tulad ng pangkasaysayan at pangkalikasan. Si Jenevive na isang lider-manggagawa, at tinagurian kong Bulaklak ng Blumentritt, na pamagat ng isa kong tula sa kanya.

Si Michelle na biyuda ng isa naming lider sa organisasyon. Si Judy na dalawang beses kong nakasamang nabugbog sa rali at dati kong kolektibo. Si Malou na kababata ko ay matagal nang nasa Amerika at marahil ay nag-asawa na. Si Lourdes na kaklase ko ng elementarya'y may asawa na rin. 

Si Fides ay dalaga pa rin nang mag-reunion kaming magkakaklase sa elementarya, tatlumpung taon na ang nakalipas nang grumadweyt kami. Sa edad niyang 43, at gayon din ako, ay dalagang-dalaga pa rin siya't sobrang ganda niya sa aking paningin. Isang Miss Universe na karapat-dapat sambahin. Kaya marami akong inialay na tula sa kanya, at ginawan ko pa iyon ng blog sa internet.

Si Ditas na taga-Pepin at kababata ko rin ay binalak kong ligawan. Nasa high school ako noon. Ngunit diyaheng ligawan, dahil nililigawan ng kuya niya ang ate ko. Ang kuya niya ay lider namin sa isang munting samahan, kaya pag pupuntahan ko ang kuya niya, minsan ay si Ditas ang nagbubukas ng pinto. Ang ganda-ganda niya.

Sa kilusan, pinakilig ako nina alyas Alex at alyas Veron. Si alyas Marielle ay nasa ibang kilusan na napunta. May ilan pang babaeng hindi ko na matandaan ang pangalan, subalit naging crush ko rin. O marahil hindi na dapat ilagay ang kanilang pangalan dito dahil sa mga karanasang hindi na dapat mabanggit. Gayunpaman, bahagi pa rin sila ng aking buhay pag-ibig.

Kung ako'y mag-aasawa, nais kong tanggapin ako ng aking mapapangasawa kung ano ako, kung ano na ang naabot ko, kung ano ang mga pangarap ko, lalo na sa usaping pulitika't ideyolohiya, kahit hindi niya iyon yakapin.

Kung ako'y mag-aasawa, nais kong unawain niya ako, ang pagiging mapangarapin ko ng gising, dahil pakiramdam ko'y lagi akong kumakatha pag may nakikita at napupuna akong dapat itula.

Kung ako'y mag-aasawa, nais ko siyang pakasalan sa isang simple at hindi marangyang kasalan. Dahil hindi naman ako mayaman sa pananalapi, bagamat mayaman sa taludtod at saknong na kinakatha. Kung posible'y wala pang sampung tao ang nasa kasalang iyon: kaming dalawa, ang magkakasal, nanay at tatay namin, at tig-isang ninong at ninang.

Kung ako'y mag-aasawa, nais kong samahan din niya ako sa aking mga pakikibaka tungo sa isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Nais kong buong puso akong suportahan ng aking mapapangasawa sa lahat kong gawain, tulad ng balak kong pagsusulat ng nobela, paglalathala ng mga aklat, sa mga gawaing pananaliksik at pagsasalin, at sa mga gawaing pampanitikan at pangkultura.

At kung kami'y mag-asawa na, nais kong tanggapin niya ako kung sakaling itira ko siya sa aking munting dampa, at hindi sa isang kaharian, pagkat ang munting dampang iyon ay isang paraiso na aming bubuuin para sa aming magiging mga anak. 

At kung kami'y mag-asawa na, magsisipag akong lalo, sa trabaho at pati na sa gawaing bahay. Tulung-tulong kaming mag-asawa upang tunay na mabuo ang pamilya.

Kung sakali mang hindi siya magbuntis agad, magsasayaw kami sa Obando, Bulacan, doon sa imahen ni Santa Clara. Pagbabakasakali, kahit labag sa diyalektiko. Si Santa Clara ang pinaniniwalaang patron ng mga babaeng hindi magkaanak upang magbuntis. Ang maranasan ko lang ito'y malaking bagay na rin dahil tiyak na makagagawa ako ng ilang tula at sanaysay hinggil sa aming pagsasayaw sa Obando. 

Nawa'y kayanin ng magiging asawa ko ang magbuntis ng limang beses kung walang kambal, na ibig sabihin ay limang anak. Subalit kung isa lang ang kaya, isa lang ang anak na bubusugin namin sa pagmamahal.

Magaling ako, at iyon ang lagi kong nasa isip. Kaya hindi magugutom ang aking magiging asawa sa piling ko. At hindi ko naman gugutumin ang pamilya ko, lalo na ang aming magiging mga anak. Lalaki silang malulusog at matatalino.

Oo, simple lang ang aking pangarap kung ako'y mag-aasawa. Isang babaeng maganda at hindi ko pagsasawaang tingnan habang ako'y nabubuhay. Bubuuin namin ang isang pamilyang hindi naghihikahos, kundi kumakain ng tatlong beses sa isang araw. At pareho naming papangarapin at kami’y magkasamang kikilos tungo sa isang lipunang walang pagsasamantala.

Martes, Mayo 24, 2011

Nangarap din akong magsundalo noon

NANGARAP DIN AKONG MAGSUNDALO NOON
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-eenrol pa lang ako noon bilang 4th year sa hayskul (school year 1984-85), nang ako'y niyayang maging aktibo sa Citizen's Army Training (CAT) sa Letran High School at maging isa sa mga opisyal ng mga kadete. Sumang-ayon ako, dahil nagbabakasakali rin akong may mga dagdag na matutunan, bukod pa sa dagdag na kaibigan. Inilagay ako sa Batallion at nasa G2 Intelligence ang aking posisyon. Ang mga kasama ko'y G1 Adjutant, G3 Operations at G4 Supplies. Nasa ikalawang grupo kami mula sa Officers Corps na pinamumunuan ng Corps Commander, na isa kong kaklase.

Isinagawa ang bivouac ng Letran CAT sa Cavite. Marami akong natutunan doon, lalo na ang mabilis na paggapang sa damuhan, pagsuot sa mga barbwire, pag-akyat at pagbaba ng puno gamit ang makapal at matibay na tali, ang paggapang sa tali mula sa isang puno patungo sa isa pang puno, at marami pang iba.

Sa tanggapan ng CAT ay nakasama ko ang aking mga kaklase, na naging mga kaibigan ko na rin. Bawat isa sa amin ay may espada, at talagang pinakikintab namin iyon upang magningning sa araw, pati na ang buckle ng aming mga sinturon. Madalas kaming mag-report doon matapos ang aming klase o kaya'y recess. Minsan ay naiimbitahan kami, at nakasuot ng gala uniform, pag may aktibidad ang mga ahensya ng gobyerno. Halimbawa, sa Commission of Immigration and Deportation (CID, na Bureau of Immigration na ngayon) na katabi ng aming paaralan.

Nagkaroon din kami ng sponsors, at nakasama namin bilang partner ang mga kababaihang mag-aaral na taga-St. Mary's Academy sa Quezon City. Habang ginaganap ang seremonya ng Corps of Cadets sa Letran grounds kasama ang mga partner namin, na pawang nakaputing kasuotan, kami ay inulan, kaya nabasa kami at naputikan. Kinagabihan, sa isang club sa Quezon City kami nagkaroon ng munting salu-salo at sayawan kasama ang mga dalaga.

Sa unang taon ko sa kolehiyo, ako'y nag-COCC (Cadet Officers' Candidate Corps) sa FEATI University, at doon sa Philippine Air Force grounds ginanap ang Citizen's Military Training (CMT) 11 tuwing Linggo. CMT na ang tawag noon, at hindi na ROTC (Reserve Officers Training Corps). Dalawa ang tanggapan ng CMT sa amin, isang hawak ng Air Force at isang hawak ng Navy. Doon ako sa Air Force nag-COCC dahil ang kurso ko ay Aeronautical Engineering. Tuwing Linggo ang training namin. Kinailangan ko pang sumakay ng LRT (na bagong tayo lang noon) sa Carriedo station upang makarating sa Baclaran Station, at mula roon ay sasakay ng dyip patungong PAF HQ, dahil doon ginaganap ang CMT ng FEATI. Malapit lang iyon sa PAFCA, na isa sa dalawang eskwelahan, kasama ang FEATI, na nago-offer ng BS Aeronautical Engineering.

Sa pagiging COCC, doon ko naranasan ang masuntok ako sa tiyan ng aming opisyal. Pati na ang pagkain ng santambak na sili sa isa naming aktibidad, at ang paglipat-lipat ng chewing gum sa bunganga ng kapwa kadete. Kahit na ang pagpapakintab ng sapatos ng aming mga opisyal ay aming isinagawa. 

Sumama rin ako sa pagkuha ng 45-days military training na pinangasiwaan ng MMCMTC (Metro Manila Citizen's Military Training Command) sa Fort Bonifacio. Bale iyon ang CMT 23. Hindi rekisitos ang CMT 23 sa hindi magsusundalo, ngunit required ang CMT 11 at 12 sa unang taon, CMT 21 at CMT 22 sa ikalawang taon, bale apat na semestre, upang maka-graduate ka sa iyong kurso. Sa CMT 23 ay natuto kami sa ilang teoryang militar at minsan, nang magalit sa amin ang isang tenyente ay pinagapang kami sa putikan.

Alas-singko pa lang ng madaling araw ay gumigising na kami, at nagpopormasyon upang mag-jogging suot ang aming combat boots. Habang nagja-jogging ay may chanting at inuulit namin ang chanting. Tuwing umaga ay gayon.

Maaari naman kaming umuwi pag araw ng Sabado at babalik ng Linggo. subalit nagdesisyon akong huwag umuwi tulad ng karamihan, upang talagang maranasan ko ang buhay sa kampo. May inisyu sa aming unipormeng pansundalo, unan, kumot, canteen (na gamit sa pagkain), combat boots, at sabay-sabay kaming kumakain. Kanya-kanyang hugas ng gamit. Ang tulugan namin ay sa barracks.

Minsan, nilibot din naming mga kadete ang headquarters ng Philippine Marines sa Fort Bonifacio, at nakita ko ang kanilang book store. May magagandang librong nais kong bilhin subalit dapat kong pag-ipunan.

Kumuha rin ako ng exam ng dalawang beses na ibinigay ng Philippine Military Academy (PMA).  Ang una ay noong 1985, nakasama ako sa top 100 sa test. At kaming mga nakapasa ay iniskedyul na kumuha naman ng physical examination sa V. Luna Medical Center. Nakasampung araw din kami roon. Hindi ko na nakuha ang resulta ng physical exam dahil nawala na ang ibinigay sa aming consent paper na dapat pirmahan ng aming mga magulang. Ang ikalawa kong kuha ng exam ay noong 1987. Nakapasa ako muli, at ang physical exam sa V. Luna Medical Center ay tumagal na lamang ng tatlong araw.

Kung hindi ako papasang sundalo, o hindi ako papasa sa Philippine Military Academy (PMA), marahil hindi talaga iyon ang linya ko. Bagamat maaari naman akong maging sundalo pag natapos ko ang CMT 33 at CMT 43, at magparehistro bilang reservist, o maging aktibo na bilang 2nd Lt., dahil graduate na ng kolehiyo. 

Nasa isip ko noon, pag di ako pumasa sa PMA, mag-i-NPA (New People's Army) ako upang makapaglingkod din ako sa bayan.

Minsan, isinama ko ang isa kong ka-batch na kadete sa bahay upang kunin ang ilan kong gamit. Nakaaway ko kasi ang isa kong kapatid, kaya nagpaalam na ako sa aking ina na doon muna ako titira sa headquarters ng mga kadete na katabi ng FEATI U Annex. Doon na sa HQ ako natutulog at naglalaba ng aking mga kagamitan. Iyung pagkain ay nakikisalo sa mga staff at opisyal ng HQ, na hawak naman ng Air Force.

Parang ayaw ko nang pumasok sa kurso ko sa kolehiyo sapagkat masaya na ako doon sa headquarters ng mga kadete. Nais ko nang maging ganap na sundalo, at mapasabak na sa field, o sa giyera upang ipagtanggol ang bayan. 

Subalit hindi na natuloy iyon, pagkat panahon iyon na kailangan na naming pumili ng ka-partner na babae, mas maganda kung kaklase, bilang paghahanda sa gaganaping Corps of Sponsors. Ang kaklase kong maganda at crush ko ay tumangging maging partner ko, dahil din sponsor ang tawag kaya baka mapagastos pa siya. Bukod pa roon, wala naman akong sapat na salapi dahil wala naman akong trabaho. Hanggang sa ako'y kusang umalis doon at nagtungo sa bahay ng aking tiyuhin upang mag-aral ng anim-na-buwan sa isang technical center. Tatlong buwan pa lang ay ipinadala na ako ng technical center na iyon sa ibang bansa para sa anim na buwan pang training. Pagbalik sa bansa ay naging pioneer sa isang kumpanya ng electronics, at tatlong taon na naging machine operator.

Gayunpaman, ang mga natutunan ko sa pagiging kadete ay nagamit ko maging sa ibang bansa. Mula hayskul hanggang kolehiyo ay naging aktibo ako sa mga gawaing pangkadete (1984-87) dahil pangarap ko nga noon na maging sundalo. Ngunit marahil ay hindi iyon para sa akin. Subalit ang mga karanasan ko bilang kadete ay malaking bagay na kung saan ako ngayon. Ang mga training na nadaluhan ko ay nakatulong sa akin ng malaki sa pang-araw-araw kong buhay.

Lunes, Mayo 16, 2011

Nangarap din akong maging pari

NANGARAP DIN AKONG MAGING PARI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang simbahan ang magkatabi sa Bustillos sa Sampaloc, Maynila, na kapwa ko naging tambayan noong kabataan ko. Ang isa'y ang Our Lady of Loreto Parish, at ang isa naman ay ang Saint Anthony Shrine o VOT (Franciscan). Pareho ko itong pinupuntahan tuwing Linggo, o kaya'y Sabado at Linggo, dahil na rin sa marami kong sinamahang grupo rito.

Hayskul ako noon nang maging bahagi ako ng Catholic Youth Movement (CYM) noong 1984, nang makatapos ako sa tatlong araw na Life in the Spirit Seminar (LSS) na isinasagawa ng Holy Name Society sa Loreto Parish. Kabilang ang aking ama sa Holy Name Society. Nakasama rin ako sa grupong Magnificat na kumakanta sa misa tuwing Linggo ng hapon sa simbahan ng Loreto. 

Sa katabing simbahan naman ng Saint Anthony Shrine o VOT, naglingkod ako bilang lector o tagabasa sa misa. Naging bahagi rin ako ng Franciscan Missionary Union (FMU), at nakasama sa dalawang linggong paglalakbay ng FMU sa isla ng Basilan sa Mindanao noong 1994. Naging aktibo rin ako sa grupong Justice, Peace and Integrity of Creation (JPIC) sa VOT. 

Minsan na rin akong gumanap bilang Bro. Dominic Savio na kasamahan ni Saint Francis sa dulang Father Sun, Sister Moon, sa VOT. Basta may aktibidad sa simbahan, sali agad ako. Ganyan ako kaaktibo noong aking kabataan sa mga gawaing pangsimbahan. Kahit sa usapin ng sports, naging kinatawan ako ng Saint Anthony Shrine sa pa-chess tournament ng Holy Name Society sa simbahan ng Loreto. 

Nakadalo na rin ako sa ilang panrelihiyosong seminar, at nakapunta sa isang seminar house sa Tagaytay, kasama ang ilang mga kaeskwela noong elementarya. Nagtayo kasi kami noon ng isang scouting group, ang Nazareth Alumni Scouting Association (NASA), na nakabase sa Caritas sa Maynila. At kahit nasa hayskul na at kolehiyo ay paminsan-minsan pa ring nagkikita. Noong panahon namin, bagamat may hayskul sa Nazareth School, hanggang elementarya lamang ang mga lalaki at lilipat na ng paaralan pag naghayskul na. Pulos mga babae ang mag-aaral sa hayskul.

Masarap magseminar, at maganda ang kapaligiran sa kumbentong aming tinuluyan. Para bagang ayaw mo nang umalis doon. Para bang gusto ko nang magpari.

Minsan, sinagutan ko ang isang paanyayang brochure ng isang kongregasyon upang makadalo sa isang pagtitipon ng magpapari. Pagkatapos noon ay wala na at nakalimutan ko na. Hanggang ilang linggo o buwan ang nakalipas, may dumating na liham sa bahay mula sa kongregasyong iyon. Nagulat ako, akala ko gayon-gayon lang ang pagsagot doon. Ang aking ina pa nga ang nakatanggap niyon, hanggang ipabasa sa akin. Sabi niya, kung gusto kong magpari, susuportahan nila ako.

Subalit parang wala naman akong ginawa upang matuloy iyon. Parang binasa ko lang ang natanggap na sulat. Hindi ko na napuntahan kung ano man ang paanyayang nakasulat sa liham. Marahil ay sa dami na rin ng aktibidad sa paaralan. Kumbaga'y nawala sa loob ko kung magpapari nga ba ako. Bagamat nang sinagutan ko yaong paanyaya ay para akong nasa langit dahil katatapos lamang ng pangrelihiysong seminar na dinaluhan ko.

Marahil, ang isa sa mga dahilan kung bakit di ako nakapagpari ay dahil hindi sila nag-aasawa. At ako naman, nais kong magkaroon ng asawa at anak. Bagamat nang sinagutan ko ang brochure ay hindi ko iyon naiisip.

Gayunpaman, masaya ako na nakapaglingkod sa simbahan noong aking kabataan.

Sabado, Mayo 14, 2011

Ang lalawigang Antique ay Mecca sa akin

ANG LALAWIGANG ANTIQUE AY MECCA SA AKIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ipinanganak sa lalawigan ng Antique ang mahal kong ina, ngunit hanggang ngayon, hindi ko pa ito napupuntahan. Mas lagi akong nakakapunta sa Batangas na sinilangan naman ng aking ama. O sa mas eksakto, isa pa lang sa aming anim na magkakapatid ang nakakapunta sa sinilangan ng aming ina.

Ang lalawigan ng Antique ay nasa isla ng Panay sa rehiyon ng Visayas. Katabi nito ang mga lalawigan ng Iloilo, Capiz at Aklan. Katabi naman ng isla ng Panay ang pulo ng Guimaras. Ang salita sa Antique ay Karay-a, ngunit hindi ako marunong magsalita nito dahil sa Maynila na ako isinilang, lumaki, at nanirahan hanggang ngayon.

Ngunit itinuring kong Mecca ang lalawigang Antique. Ibig sabihin, tulad ng mga kapatid nating Muslim (bagamat hindi ako Muslim), na dapat minsan man sa kanilang buhay ay makarating sila sa Mecca sa Saudi Arabia, na siyang pinaniniwalaang sinilangan ng propetang si Mohamed. At ang pagtungo sa Mecca ay batay sa kanilang "Five Pillars of Islam". Kaya kailangan, minsan man sa buhay ko'y marating ko ang lalawigang sinilangan ni ina, o sa mas eksakto, sa bahay na tinirhan nila ng kanyang mga magulang at mga kapatid noon. Siyang tunay, Mecca sa akin ang sinilangan ng aking ina.

Nakarating na ako sa isla ng Panay, noong Nobyembre 23, 2008, dahil nakasama ako sa karabana ng Duyog Mindanao. Isa iyong aktibidad na pangkapayapaan, isang karabana mula lungsod ng Baguio hanggang lungsod ng Cotabato. Iba't ibang lalawigan ang pinuntahan namin, at mula Mindoro ay sumakay kami ng lantsa patungong isla ng Panay, at gabi na nang makarating kami sa Katiklan sa Aklan, isang araw kami roon, at mula sa Iloilo ay nagtungo naman kami sa lungsod ng Bacolod sa pamamagitan din ng lantsa.

Isinulat ko nga sa aklat kong "Bigas, Hindi Bala" sa artikulong pinamagatan kong "Ang Makasaysayan Kong Pagdatal sa Isla ng Panay": "Naging makasaysayan sa akin ang pagsama ko sa Duyog Mindanao dahil nakarating ako ng Panay, dahil kahit papaano, nakalapit ako, sa buong buhay ko, bagamat di nakarating, sa lupain ng aking mga ninuno... Bagamat di ako nakarating sa Antique ay parang napalapit na rin ako sa sinilangan ng aking ina dahil sa pagtapak ko sa unang pagkakataon sa Panay."

Mas maganda na hindi lamang isang araw, kundi kahit man lamang isang linggo ako ritong magtagal. Isa itong pangarap na nais kong matupad. Nais kong damhin ang bawat sulok ng kanilang bahay, ang kabukiran, ang mga tao, ang dagat, ang puno, ang sariwang hangin, ang kalagayan ng mamamayan doon at ng buong lalawigan, maging ang agiw, alikabok, putik, talahib, at huni ng kuliglig. Nais ko iyong maisulat. Marahil nga'y sentimental na bagay. Isa iyong bagay na dapat planuhin naming magkakapatid, na kahit minsan man sa aming buhay ay narating namin ang sinilangan ng aming mahal na ina. Kung hindi man sila makasama, kahit sana ako'y makarating doon. Tanging si Lala pa lang sa aming magkakapatid ang alam kong nakarating doon nang isinama siya ng aking ina sa Antique noong 2011. Kasama ni Lala ang anak niyang si Sten.

Marahil ay makagagawa muli ako ng maraming tula sa paglalakbay na ito, na nais ko ring maisaaklat. At ito ang balak kong gawin pag ako'y nakarating sa bayang sinilangan ng mahal kong ina.

Habilin

HABILIN ni Gregorio V. Bituin Jr. Sa malao't madali'y aabutin ko rin ang oras ng paghihingalo, ang huling kabit ng aking hininga. Pa...