Linggo, Enero 17, 2010

Buti na lang, may facebook

BUTI NA LANG, MAY FACEBOOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matagal na akong di umuuwi ng bahay, hindi dahil ayaw kong umuwi o kaya'y ipinagtatabuyan ako ng aking mga magulang, o kaya'y wala na kaming pakialaman. Hindi totoo ang mga dahilang iyun. Sa totoo lang, gusto kong umuwi para makita ang aking mga kapatid at magulang, hindi ako tinataboy at tanggap nila ako bilang aktibista, at may pakialaman naman kami sa isa't isa. Magkakaiba lang kami ng pinasok o naging pasiya sa buhay. At sa buhay na pinasok ko, bilang full time sa isang mapagpalayang kilusan, mas makabubuti sa akin ang di palaging umuwi.

Ngunit kadalasan, nanenermon pa ang tatay ko lalo na pag nag-iinuman na kaming magkakapatid. May plano daw siya sa aming magkakapatid, at binigo ko raw ang plano niya sa akin. Sana raw ay mayaman na ako. Ngunit nalimutan niyang may plano rin akong sarili sa buhay ko, kaya di ako sumunod sa plano niya. Di ba, kaya nga tayo pinag-aral ng mga magulang natin ay di para sumunod lang sa plano nila, kundi pag-isipan at pagplanuhan din natin ang ating sariling kinabukasan.

Kahit tanggap ako bilang aktibista, nais pa rin nilang magkaroon ako ng mas stable na trabaho, di tulad ngayon na minsan, pahirapan sa allowance. Ngunit sa aking pasiya at sa prinsipyong tinatanganan ko ngayon, mas mabuti pa ang pahirapan sa allowance kaysa may malaking sweldo sa isang pabrikang nagsasamantala sa manggagawa. Dati na akong naging manggagawa, nagtrabaho ng tatlong taon bilang machine operator sa isang electronics company, bago nag-resign at nag-aral muli.

Dahil bihira akong umuwi ng bahay, di kami nagkakausap ng aking ama't ina at ng aking mga kapatid. May cellphone kami pero bihira ding magkausap, dahil bawat text, piso. Ang simpleng "ok" at "oo" ay P2 na.

Buti na lang may facebook. Mas mabuti pa ito kaysa yahoo, gmail, blog, at multiply, dahil madali dito ang komunikasyon, lalo na sa chat. At tuluy-tuloy pa ang komunikasyon. Di ka mawawalan ng load. Basta okey ang internet at di nagloloko, at kung nasa computer shop, depende sa oras.

At nang dahil sa facebook ay nagkakausap-usap kaming magkakapatid sa pamamagitan ng chat. Dito ko nga lang sa facebook muli kong nakausap ang mga kaklase ko sa elementarya at high school, sa tagal na di namin pagkikita, at dito na rin nagkakakumustahan. Nalalaman ang buhay-buhay ng bawat isa.

Buti na lang may facebook dahil kahit wala ako sa bahay, nagkakausap pa rin kaming magkakapatid.

Huwebes, Nobyembre 26, 2009

Bayanihan sa Dyip

BAYANIHAN SA DYIP
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bata pa ako'y kinagisnan ko na ang bayanihan sa dyip. Noon, lalo na sa paaralan, inilalarawan ang bayanihan na pagtutulungan ng ating mga ninuno sa pamamagitan ng sama-samang pagbubuhat ng bahay upang ilipat sa isang lugar. Walang bayad kundi pakain lamang. Pakikisama, pagtutulungan.

Ako mismo'y saksi noong bata pa ako, marahil ay apat o limang taong gulang pa lamang, nang binuhat ng aking mga kamag-anak ang kalahati ng bahay ng mga tatang, ng may layong sampu o labindalawang metro, marahil ay mga limampu o animnapung hakbang. Ang binuhat na bahay ang siyang naging tahanan ng aking Tiyo Pablo, na nakatatandang kapatid ng aking ama. Nangyari iyon sa nayon ng aking ama sa lalawigan ng Batangas.

Subalit dito sa lungsod ng Maynila, mas nakita ko kung paano nga ba ang bayanihan. Doon sa araw-araw kong pagsakay sa dyip patungo at pauwi mula sa paaralan. Madalas kong sakyan noon ay ang dyip na biyaheng Balic-Balic - Quiapo at Quiapo - Pier papunta at pabalik mula sa eskwelahan.

Dito sa lungsod, karaniwang walang konduktor, di gaya sa bus, o sa malalayong ruta ng dyip tulad ng biyaheng Cubao-Antipolo. Magbabayad ka ng pamasahe mo, at iaabot mo sa tsuper. Subalit kapag malayo ka sa tsuper, ang pera mo'y aabutin ng kapwa pasahero mula sa iyo at pasa-pasang iaabot hanggang makarating sa tsuper ng dyip. Sa pagsusukli naman ay gayon din, iaabot ng drayber sa mga pasahero ang sukli mo hanggang sa makarating sa iyo. At maiaabot sa iyo ang pamasahe mo nang eksakto, kung gaano ang sukli ng tsuper. Kumbaga ay may tiwalaan sa kapwa pasahero, at walang nangungupit ng sukli. 

Oo, tiwalaan ang isa sa mga sangkap ng bayanihan sa dyip. Ang mismong akto ng pag-aabot ng bayad at sukli ng tsuper at kapwa pasahero ay isa nang bayanihan na kusang dumadaloy sa bawat isa. Sa munti mang pagkilos ay kitang-kita ang pagtutulungan at bayanihan ng bawat isa. 

Kung sakali namang nasiraan ang dyip, ibabalik ng tsuper ang ibinayad ng mga pasahero.  Tiwalaan pa rin. Ibinabalik ang ibinayad ng pasahero sapagkat di ka naman naihatid sa paroroonan mo at upang iyon naman ang gamitin mong pamasahe sa dyip na susunod mong sakyan. Walang nakasulat na patakaran, subalit alam ng tsuper at mga pasahero ang gayong kaayusan.

Kung sakali namang kailangang itulak ang dyip dahil tumigil, magkukusang bumaba ang ilang pasahero upang itulak ang dyip hanggang sa ito'y umandar muli at sila'y muling makabiyahe. Masaya naman ang mga pasaherong nakatulong upang umandar ang dyip nang walang hinihintay na kapalit. Bagamat ito'y abala minsan, lalo na sa mahuhuli sa trabaho.

Sadyang ang bayanihan ay nasa kultura na natin, at nagagamit sa iba't ibang pagkakataon. Kahit na ang kuyog, na isang anyo ng pagkilos upang kamtin ang katarungan, ay isa ring bayanihan ng taumbayan. Halimbawa na lamang, may masamang taong nakagawa ng krimen, at kinuyog ito ng taumbayan. Nagbayanihan ang taumbayan upang saklolohan ang nabiktima ng krimen. Kumbaga'y ramdam ng taumbayan na kailangan nilang magkaisa sa pagkakataong iyon upang masawata ang mga pusakal na baka sila rin ang mabiktima ng mga ito balang araw.

Sa unang halimbawa ng bayanihan, yung pagbubuhat ng bahay, karaniwan nang magkakakilala ang mga nagtutulong-tulong na magbuhat ng bahay. Sa ikalawang halimbawa naman, sa loob ng dyip, hindi naman magkakakilala ang mga pasahero. Subalit kitang-kita natin dito ang bayanihan, lalo na sa pag-aabot ng bayad at sukli. Sa ikatlong halimbawa, sa kuyog, may magkakakilala man o hindi magkakakilala ngunit biglang nagkaisa.

Gayundin naman, ang dyip bilang simbolo rin ng pagkamalikhain ng mga Pinoy, ay pinatingkad pang lalo ng bayanihan. Bagamat maliit na kabutihan kung maituturing ang pag-aabot ng bayad at sukli sa kapwa pasahero, ito'y isang magandang halimbawa ng bayanihan na hindi natin dapat makalimutan, bagkus ay ibahagi at ipakilala pa sa higit na nakararami.

Huwebes, Hulyo 16, 2009

Unang Danas sa Kikil

UNANG DANAS NA KIKIL
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa first year high school pa lang ako noon nang maranasan ko ang unang pagkakataong ako'y kinikilan. Limang piso lamang ang baon ko sa isang araw at kinikilan pa ako.

Mula sa bahay patungong eskwelahan, sasakay ako ng dyip na biyaheng Balic-Balic-Quiapo, bababa sa Quiapo, dadaan sa underpass patungong Quezon Blvd., sa tapat ng simbahan ng Quiapo dahil naroon ang sasakyan ng dyip patungong Lawton. Bababa ako ng Lawton upang maglakad patungong eskwelahan. Ang rutang iyon ang natutunan ko, habang may ibang daan na itinuro sa akin ang aking ama, ang pagsakay ng dyip na rutang Quiapo-Pier patungong eskwelahan. Subalit ang daang iyon ay patungo sa kanyang opisina na malapit lamang sa pinapasukan kong eskwelahan, at may kahabaan ng kaunti ang lakarin kaysa galing ng Lawton.

Naranasan ko ang una kong "hold-up" nang minsan, mag-isa akong bumiyahe patungong paaralan nang sa paglalakad ko sa underpass ng Quiapo ay hinarang ako ng isang payat na lalaki, medyo gusgusin sa aking pagkakatanda. Sabi niya'y pahingi raw ng pera. Hindi ko alam ang aking gagawin dahil nakaharang siya sa aking daraanan, at pag ibinigay ko naman ang buo kong limang piso ay mawawalan ako ng pamasahe papunta sa eskwelahan.

Mukhang totoy pa kasi ako nang mga panahong iyon, first year high school, kaya marahil madaling kikilan. Nakapolo, nakabalat ng sapatos, nakapantalon, maayos ang gupit, animo'y binatang-binata ang dating. Nagsisimula pa lang akong matutong laging magbiyahe sakay ng dyip patungong eskwelahan. Dahil noong elementarya'y nilalakad ko lang ang aming paaralan.

Minabuti ko na lang na ibigay ang buo kong limang piso, dahil sa isip ko'y baka may dala siyang kutsilyo. Hindi ko na pinangahasang tumakbo dahil baka may mga kasama siyang iba. Ibinigay ko ang aking limang piso, kaya wala na akong pera. Hindi agad ako nakaalis at nakatingin pa rin ako sa kanya. Marahil dahil hindi pa ako agad umalis at nakatitig sa kanya kaya binigyan niya ako ng barya. Baka iniisip niya na mahalata siya ng ibang nagdaraan. Sakto lang na pamasahe sa dyip ang ibinigay na barya sa akin. P0.65 sa pagkakatanda ko ang pamasahe nang panahong iyon.

Kaya pinabayaan ko na lang, isang munting karanasan sa masalimuot na mundo. Isang aral, na kahit papaano'y nagpaisip sa akin bakit ba may ganuong mga tao. Subalit sa loob-loob ko, ayaw ko na iyong mangyari muli. Hindi muna ako dumaan sa lugar na iyon, at nag-iba ako ng ruta. Pagsakay ko ng dyip na biyaheng Balic-Balic-Quiapo, bababa ako sa Lepanto papuntang Morayta. Maglalakad hanggang Lerma upang doon sumakay papuntang Lawton.

O kaya naman ay bababa ng Recto, maglalakad patungong bilihan ng mga gamit ng ROTC, na kinatatayuan ngayon ng Isetann Recto, at doon sasakay ng dyip patungong Lawton.

O kaya naman ay bababa sa Quiapo, ngunit hindi maga-underpass, kundi maglalakad patungo sa overpass ng Raon upang tumawid sa kabila. At mula doon ay sasakay na ng dyip patungong Lawton.

Kung iisipin ko ngayon ang itsura ng taong iyon, mukhang natakot lang ako noong una, dahil bata pa ako noon. Subalit malaking aral na rin iyon, na para bang isa akong sundalong natutong umiwas sa kaaway, mag-isip ng ruta, maghanap ng bagong daan, maghanap ng bago kaysa laging dinaraanan.

Hanggang ngayon, hanap ko ang pagbabago. Hindi iyong dati nang kinagawian. Kaya marahil ako naging aktibista. Nagtanong bakit may mga taong nangingikil. Nagtanong bakit may mga dukha. Nagtanong bakit hindi pantay ang karapatan at kalagayan ng mga tao sa lipunan. Hanggang sa pinag-aralan ang lipunan.

Ngayon, patuloy akong kumikilos at humahakbang patungo sa isang lipunang makatao, isang lipunang walang pagsasamantala. Kung ano man ang tawag sa lipunang iyon, ang mahalaga'y hindi ang "ismo" kundi ang esensya. Ang kabuuan ng pangarap na lipunang ang bawat isa ay nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao.

Lunes, Hulyo 13, 2009

Pagbabasa ng diyaryong nakapatong sa kulambo

PAGBABASA NG DIYARYONG NAKAPATONG SA KULAMBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bata pa ako'y mahilig na akong magbasa. Sa katunayan, bawat diyaryong binibili ng aking ama ay aking binabasa. Natatandaan ko nga, nagbabasa ako ng diyaryong nakapatong sa kulambo. Umaga, pagkagising ay nakatingala na akong gigising, nakatingin, hindi sa kisame, kundi sa pahayagang nakapatong sa kulambo. Nasa kinder na o grade one ako noon.

Ayon sa aking ama, ipinapatong niya ang diyaryo sa kulambo upang takpan ang silaw ng ilaw habang kami'y natutulog. Hindi na kasi pinapatay ang ilaw para daw mas maiwasan ang lamok, at baka tumayo kami sa madaling araw na kung patay ang ilaw ay baka makasagi ng gamit o kaya'y madapa, lalo na kung naiihi. Kaya pinabayaan na lang na buhay ang ilaw, at diyaryo ang pangontra sa silaw ng ilaw habang natutulog.

Uso pa noon ang paggamit namin ng kulambo, di tulad ngayon na bihira ka nang makakita ng kulambo sa mga kasama sa bahay, dahil may bentilador na o kaya ay aircon. Nag-uunahan pa kaming magkakapatid noon sa pagsabit ng kulambo sa apat na sulok ng maliit naming kwarto. 

Sa iisang kulambo'y nagkakasya kaming tatlo pa lang noon na magkakapatid (anim kami ngayon) at ang aming ama at ina.

Pag naalimpungatan sa madaling araw, nakatutok na ang aking mata sa diyaryong nakapatong sa kulambo at binabasa ang mga iyon, komiks man o balita.

Sa kalaunan ay lumabo ang aking mata. At walong taon pa lang ako ay nagsalamin na sa mata. Ngunit habang lumalaki ako ay naaasiwa ako sa pagsasalamin, kaya madalas ay hindi ko na iyon isinusuot. Hanggang sa masanay na akong walang suot na salamin.

Masarap balikan ang karanasang iyon dahil isa iyon sa umakit ng aking interes sa pagbabasa. Pagmulat pa lang ng mata sa paggising sa umaga ay nakatambad na agad sa aking mukha ang mga letra, nagpapahayag ng kwento at mga balita.

Ngayon, wala nang kulambong papatungan ng diyaryo, dahil natutulog na lang akong wala ni kumot o unan. Lalo na sa pagod, kuntento nang ipikit na lamang ang mata upang makatulog, may banig man o wala, o kaya'y sa upuan o bangko na lang nakahiga. Ngunit ang karanasang iyon ay hindi ko malilimot dahil bahagi na iyon ng aking paglaki at paglago bilang isang manunulat.

Biyernes, Marso 27, 2009

Lunas ang Pag-asa

LUNAS ANG PAG-ASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming tao ang kadalasang nawawalan ng pag-asa.

Maraming nagpapatiwakal dahil tingin nila'y wala nang pag-asa ang kanilang kasalukuyang hirap na kalagayan. Akala nila'y pulos dusa na lang ang mundong ito, pulos hinanakit, at pwang kahirapan na lamang. Makakaahon pa kaya tayo, ang nasasa isip ng iba, sa aba nating kalagayan?

Marami ang nakakagawa ng krimen dahil wala silang maasahang matinong kalagayan. Nakakulong dahil nagnakaw ng sampung pisong pandesal, habang ang mga nagnakaw ng milyun-milyon sa kaban ng bayan ay hindi maipakulong.

Marami ang namatay dahil sa simpleng sakit dahil hindi ginamot ng mga doktor sa ospital. Inaasahan nilang ang karapatan nila sa kalusugan ay paiiralin ng ospital. Ngunit ang kalusugan pala, imbes na serbisyo, ay negosyo na.Paano gagamutin ang maysakit na maralita kung wala siyang pang-down payment sa ospital? Paano gagaling ang maralitang maysakit kung napakamamahal ng gamot na kinakailangang bilhin? Paano giginhawa ang maralita kung sa mismong bayan niya, siya'y lalong ibinababa?

Marami ang hindi nakapag-aral dahil sa hirap ng buhay, at dahil sa mahal ng matrikula, na bawat taon ay tumataas. Marami ang umasang makapag-aaral dahil karapatan nilang mag-aral, ngunit ang karapatang ito sa edukasyon ay negosyo na pala. Paano nila pag-aaralan ang nais nilang kurso kung napakamahal ng bayad sa edukasyon? Paano magiging doktor o abugado ang mga maralitang nangangarap na makatulong sa kanilang mga aping kababayan sa nayon at liblib na pook sa mga lalawigan kung di pa sapat ang pagbebenta ng kalabaw at kapirasong lupang minana pa nila, kung ang gastos naman sa pag-aaral ay napakamahal?

Mga maralita'y hampaslupa, mga mababaho, mga walang silbi sa mundong ito. Ganito kadalasang inilalarawan ang mga mahihirap.

Ngunit ang mga maralita, nagtitiis tumira sa ilalim ng tulay upang mabuhay. Kumakain ng mga itinapong tira-tirahang karne mula sa Jollibee at McDo upang lutuing muli, para lang may maipakain sa kanilang mga gutom na pamilya. Nasisikmura ang gayong abang kalagayan para sa kanilang mga anak para lang mabuhay. Makatao ba ang ganito? Hindi!

May maaasahan pa ba tayo sa ganitong klase ng gobyerno, pabaya sa mga maliliit? May maaasahan pa ba tayo sa kapitalistang sistemang umiiral ngayon, na ang serbisyo't karapatan ay ginagawang negosyo?

May pag-asa pa habang tayo'y nabubuhay. Ito ang laging bukambibig ng matatanda, ng pamahalaan, maging ng simbahan. Ngunit maaasahan ba natin sila sa pag-asang ating inaasam? Walang mawawala sa atin kung umasa tayo, at mas malaking kawalan kung ang pananaw natin sa buhay ay pawang kawalang pag-asa.

Pag umasa ka, lahat ay maaaring mangyari. Ang pag-asa ay tulad ng iniinom na spinach ni Popeye na sa panghihina niya'y bigla siyang lalakas.

Kahit alam nating ang inaasahan natin ay bihirang mangyari, at ang di natin inaasahan ang nangyayari, may pag-asa pa rin tayo. Kailangan lang nating kumilos at maging positibo sa pananaw. Malay mo, tumama ka sa lotto. Ngunit kung di ka tumaya, huwag mong asahang tatama ka sa lotto.

Ang pag-asa ay gamot sa nahihirapan. Ang pag-asa ay lunas sa nagsisikip mong dibdib. Ang pag-asa ang siyang gamot sa pagdududa, gamot sa mga sugat na nalikha ng mga pangyayari. Ang pag-asa ay paghilom.

Gayundin naman, ang pag-asa ay pagkilos, at hindi lamang pagsasabi ng "Sana, sana", kundi "Dapat, dapat". Hindi tayo dapat tumunganga na lang sa isang tabi, at gayahin si Juan Tamad sa kanyang pagkakahiga sa pag-asang bumagsak ang bayabas sa kanyang bunganga. Kailangang kumilos ng mga mahihirap upang baligtarin ang tatsulok na kalagayan ng lipunan.

Oo, may pag-asa pa. May pag-asa pa. Dahil kung walang pag-asa, walang kahulugan ang buhay. Minsan lang tayong mabuhay sa mundong ito. Bigyang kahulugan natin ang buhay. Halina't tayo'y kumilos upang ang pangarap na inaasam ay magkaroon ng katuparan.

O, Pag-asa, halina't haplusin mo ang mga isipang nadirimlan at mga pusong nasasaktan. Halina't kami'y tulungan upang maibsan ang nararamdaman naming kahungkagan. Naririto kami, umaasa.

Lunes, Marso 16, 2009

Alaala ng ika-25 anibersaryo ng kasal nina Itay at Inay

ALAALA NG IKA-25 ANIBERSARYO NG KASAL NINA ITAY AT INAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Enero 1, 1991 ang ika-25 anibersaryo ng kasal ng aking ama't ina. Muli silang magpapakasal. At ito'y gagawin nila sa sa Our Lady of Loreto Parish, na isa sa dalawang magkatabing simbahan sa Bustillos, sa Sampaloc, Maynila. Hindi ko alam ang planong iyon, hanggang mangyari ang hindi inaasahan.

Nagtrabaho ako sa kumpanya mula Pebrero 1989 hanggang Pebrero 1992. Noong una'y umuuwi pa ako mula Alabang sa Muntinlupa tungong bahay sa Sampaloc, Maynila, at gigising ng madaling araw at aalis ng bahay ng 6:30 am upang makarating ng pinapasukang pabrika sa Alabang bago mag-alas-otso ng umaga.

Sapagkat bisperas niyon ay naroon ako sa Alabang. Bilang manggagawang regular sa kumpanya, ako'y nangupahan ng maliit na kwarto sa aking tinutuluyan. Malapit iyon sa mismong riles ng tren, at malapit din sa ilog.

Imbes na Junjun o Junior na madalas itawag sa akin ng aking ama't ina, at mga kapatid, o Greg naman para sa mga kaklase, iniba ko ang aking pangalan doon. Subalit paglalaro pa rin sa pangalang Gregorio. Sa pamayanang iyon, ako si Regie.

Kaya raw nang pinahanap ako sa aking mga katrabaho ay hindi nila natukoy ang aking kinaroroonan sapagkat nag-iba nga ako ng pangalan. Subalit naganap ang dapat maganap.

Matapos makasama ang mga kapitbahay ko roon sa pagsapit ng Bagong Taon, ako muna'y natulog ng madaling araw, tulad din ng pagpapahinga ng mga tao sa Bagong Taon.

Bandang bago magtanghali ay nagising ako't naisipang lumabas. Mula Alabang ay nagtungo ako sa pamilyar na lugar, sa Bustillos. Saan pa ba ako pupunta kundi roon, bukod sa Quiapo, sa Sta. Cruz, Recto, Divisoria, gaya ng nakasanayan ko. Nagtungo muna ako sa Bustillos at papasok na sana ng VOT o yung mas maliit na simbahan sa dalawa, na kilala ring St. Anthony Shrine. Tanda ko pa ang nakasulat sa loob ng simbahang iyon: Devs Mevs Et Omnia.

Sa madaling sabi, nakita ako sa Bustillos, sa labas ng dalawang simbahan, ng isang kasama ni Itay sa Holy Name Society ng Loreto, at agad na sinabi sa akin, bakit ka nandito? Hindi ka ba dadalo sa kasal ng magulang mo?

Nagulat ako. Kaya agad akong nagtungo sa simbahan ng Loreto nang sinabing sa ganoong oras ay ikakasal na sila. Isang oras na lang. Ikalawa ng hapon ang kasal.

Nang makita ako nina Itay, agad na nagpakuha ng polo shirt sa bahay, pantalon at sapatos. Ang sinuot ko kaya't hiniram sa kaibigan ni Itay.

Natuloy ang kasal at pagdiriwang nila ng ikadalawampu't limang anibersaryo ng kasal nang nakadalo ako. Tsambahan. 

Kumpleto kaming magkakapatid. Kung hindi pa ako umalis ng aking tinutuluyan ay hindi ko pa mababatid na ikakasal pala sila.

Biyernes, Oktubre 10, 2008

Minsan na akong naging manggagawa

MINSAN NA AKONG NAGING MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan na akong naging manggagawa. Tatlong taon. Machine operator. Muntik maging pangulo ng unyon. Maganda, masaya bagamat masalimuot ang buhay ko noon bilang manggagawa.

Hindi ako nag-aplay bilang manggagawa. Doon na ako dinala ng tadhana. Paano?

Layas ako noon sa aming bahay. Di mapirmi sa tahanan. Hanggang sa kinuha ako ng aking tiyuhin, ang bunsong kapatid ng aking ama, doon sa kanyang tahanan sa Taytay, Rizal, kasama ang iba ko pang mga pinsan. Ipapasok daw ako ng tiyo sa trabaho niya sa National Panasonic. Naroon na rin at tambak na sa kumpanyang iyon ang mga pinsan kong doon nagtatrabaho.

Hanggang sa mabigyan ako ng pagkakataong makapag-aral ng Radio-TV Technician ng anim na buwan sa JVR Technical Center sa Pasay, na pag-aari ng isang JV Del Rosario, na umano'y imbentor ng Karaoke. Ipinasok ako ng tiyo ko doon nang di nakapagpatuloy sa pag-aaral ang 2 sa 40 estudyante doon, isa ako sa naging kapalit. Tatlong buwan pa lang ako doon nang magdesisyon ang eskwelahang iyon na isa ako sa dalawa kong kaklase na pag-aralin bilang OJT (on-the-job-training) ng anim na buwan sa Japan.

Syempre, laking tuwa ko naman. Biro nyo, makakapunta ako ng Japan, at mananatili ako doon ng anim na buwan. Lima kaming pinadala doon, at ginamit naming papeles ng pag-entry ay bilang manggagawa daw ng kumpanyang EEI (Elevator and Excavators Inc.). Dumating kami sa Hanamaki City, sa lalawigan ng Iwate sa Japan noong Hulyo 1988, at nakabalik dito sa Pilipinas nang Enero 1989.

Ilang araw lamang ay tinawagan na ako ng kumpanyang PECCO (Precision Engineered Components Corporation) sa Alabang, Muntinlupa. Isa itong kumpanyang pinamamahalaan ng Pilipino at Hapon. Nagsimula akong magtrabaho bilang machine operator noong Pebrero 1989. Probationary ako ng anim na buwan, at tumagal nang tatlong taon, nagpasyang umalis upang mag-aral muli, kaya nag-resign ako noong Pebrero 1992.

Hindi makikita sa labas ang aming kumpanya, dahil kailangan muna naming pumasok sa tarangkahan ng isa pang kumpanya, ang Kawasaki, bago makapasok sa aming kumpanya. Bilang manggagawa, itinalaga ako sa Metal Press Department kung saan ang mga metal na rolyo ang ipinapasok namin sa makina. Ipapasok namin sa molde na nakasalpak sa AIDA Press Machine para butasan, hatiin ang bawat rolyo sa isang sukat, at imolde upang maging isang pyesa ng floppy disk ng computer. May produktong dadaan sa maraming kamay at makina, tulad ng rotor, stator, at iba pa. Nariyan din ang tinatawag naming C-Guide, na siyang pinakaplato ng floppy disk ng computer, at dumaan ng manwal sa kamay ng pitong manggagawa at pitong makina. May mga pyesang ginawa ng manwal at may automatic. Matapos mamolde ang mga ito’y huhugasan ng tatlong beses sa kumukulong freon upang matanggal ang langis. Ang mga nagawang produkto ay lilihahin sa kabilang departamento upang luminis at di makasugat ang mga kanto ng produkto. At sa iba namang departamento ay pagsasama-samahin at isasalpak ang maliliit na pyesa upang maging floppy disk. Ito naman ang idedeliber sa ibang kumpanya.

Marami akong natutunan sa kumpanya lalo na sa usapin ng pagka-episyente sa trabaho. Isa na rito ang 5 S (seiri - kasinupan; seiton - kaayusan; seiso - kalinisan; seiketsu - pamantayan; at sitsuke - disiplina) na pumapatungkol sa kasinupan sa pagtatrabaho sa kumpanya.

Praktis na namin sa kumpanya ang mag-ehersisyo muna tuwing umaga bago magsimula ang trabaho, pagkatapos noon ay pag-awit ng Lupang Hinirang, at pagtatalumpati ng empleyadong nakatalaga para sa araw na iyon. Isa ako sa nakagamit ng pagtatalumpating iyon upang maupakan ang kantina ng pabrika kung saan may mga nagkasakit na ang tiyan dahil sa kinain ng kasama naming empleyado habang nasa night shift kaming pagtatrabaho. Nagustuhan ng ilan kong katrabaho ang ingles kong speech. Kaya isang kamanggagawang babae, na naging crush ko rin, ang laging nagpapagawa sa akin ng speech o essay para maipasa niya sa school bilang working student. Lagi ko namang pinauunlakan, syempre, dahil akala mo'y diyosa ng kagandahan ang humihiling sa akin na di ko matanggihan.

Nagkaroon din ako ng gawad mula sa kumpanya. May proyekto kasi ang kumpanya na magpasa ang sinumang empleyado ng kanilang ideya upang mapahusay, mapaganda at mapabilis ang trabaho. Kumbaga, parte iyon ng kanilang programa para sa produktibidad. Isa ako sa palaging nagsusumite ng aking mga ideya sa kumpanya. Pansampu ako sa sampung nagawaran ng parangal, isang plake ng pagkilala ang aking natanggap.

Isa sa pinakamatingkad na karanasan ko sa kumpanya ang muntikan ko nang pagtakbo bilang pangulo ng unyon. Nalaman ng aking tiyo na tatakbo ako dahil sa mga ipinasok niyang tao na nagsumbong sa kanya. Ang tiyo ko, na bunsong kapatid ni ama, ang assistant general manager sa kapatid na kumpanya ng pinasukan ko. Kaya sa bispiras ng last day ng pagpa-file ko ng candidacy bilang pangulo ng unyon, kinontak ako ng tiyo ko para pag-usapan ito. Dinala niya ako, kasama ng isa kong kamanggagawa, sa isang restoran at sa isang beerhouse. Nilasing ako. Binigyan ng babaeng kapartner, ngunit hanggang tsansing na lang ako dahil bukod sa antok na'y lasing pa. Sa bahay na ng tiyo ko ako nakatulog, kung saan naroon din ang iba ko pang pinsan na nagtatrabaho sa sister-company ng kumpanyang pinapasukan ko. Sa madaling salita, di na ako nakaabot kinabukasan sa deadline na alas-tres ng hapon, dahil ala-una na ng hapon ako nagising. At tiyak hindi na rin ako aabot dahil sa layo, Taytay, Rizal hanggang sa Alabang, Muntinlupa, bukod pa sa matindi ang hangover ko. Ang aking ikalawang pangulo (bise), na nakapag-file ng candidacy, ang tumakbo at nanalong pangulo ng unyon.

Ang mali ko doon, hindi muna ako nagtala sa candidacy form para kung sakali mang wala ako sa aktwal na pagpa-file, yung kapartido ko na ang maghahain ng aking kandidatura.

Ipinasa ko ang aking resignation paper matapos ang tatlong taon. Ang petsa kung kailan ako nagsimula ang petsa ng aking pagre-resign. Umalis ako ng trabaho dahil nais kong pasukin pa ang ibang larangan. Nagbalik ako sa pag-aaral sa kolehiyo.

Habang tangan ang mga karanasan bilang manggagawa, naging kasapi ako sa pahayagang pangkampus at nagsulat hinggil sa pakikibaka ng mga manggagawa. Dahil pag-graduate namin, tiyak na karamihan sa amin ay magiging manggagawa rin, o empleyado. Hanggang sa maging aktibo ako sa isang aktibistang organisasyon at mahalal na isa sa mga lider nito sa rehiyon ng Kalakhang Maynila at lalawigan ng Rizal.

Dito'y ipinagmamalaki kong isa ako sa mga naging aktibista at mulat na manggagawang naging editor ng pahayagang pangkampus. Sa kalaunan ay naging manunulat ako ng mga publikasyong pangmanggagawa, ang magasing Tambuli at ang pahayagang Obrero.

Sampaloc, Maynila
10 Oktubre 2008

Habilin

HABILIN ni Gregorio V. Bituin Jr. Sa malao't madali'y aabutin ko rin ang oras ng paghihingalo, ang huling kabit ng aking hininga. Pa...