Sabado, Mayo 14, 2011

Ang lalawigang Antique ay Mecca sa akin

ANG LALAWIGANG ANTIQUE AY MECCA SA AKIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ipinanganak sa lalawigan ng Antique ang mahal kong ina, ngunit hanggang ngayon, hindi ko pa ito napupuntahan. Mas lagi akong nakakapunta sa Batangas na sinilangan naman ng aking ama. O sa mas eksakto, isa pa lang sa aming anim na magkakapatid ang nakakapunta sa sinilangan ng aming ina.

Ang lalawigan ng Antique ay nasa isla ng Panay sa rehiyon ng Visayas. Katabi nito ang mga lalawigan ng Iloilo, Capiz at Aklan. Katabi naman ng isla ng Panay ang pulo ng Guimaras. Ang salita sa Antique ay Karay-a, ngunit hindi ako marunong magsalita nito dahil sa Maynila na ako isinilang, lumaki, at nanirahan hanggang ngayon.

Ngunit itinuring kong Mecca ang lalawigang Antique. Ibig sabihin, tulad ng mga kapatid nating Muslim (bagamat hindi ako Muslim), na dapat minsan man sa kanilang buhay ay makarating sila sa Mecca sa Saudi Arabia, na siyang pinaniniwalaang sinilangan ng propetang si Mohamed. At ang pagtungo sa Mecca ay batay sa kanilang "Five Pillars of Islam". Kaya kailangan, minsan man sa buhay ko'y marating ko ang lalawigang sinilangan ni ina, o sa mas eksakto, sa bahay na tinirhan nila ng kanyang mga magulang at mga kapatid noon. Siyang tunay, Mecca sa akin ang sinilangan ng aking ina.

Nakarating na ako sa isla ng Panay, noong Nobyembre 23, 2008, dahil nakasama ako sa karabana ng Duyog Mindanao. Isa iyong aktibidad na pangkapayapaan, isang karabana mula lungsod ng Baguio hanggang lungsod ng Cotabato. Iba't ibang lalawigan ang pinuntahan namin, at mula Mindoro ay sumakay kami ng lantsa patungong isla ng Panay, at gabi na nang makarating kami sa Katiklan sa Aklan, isang araw kami roon, at mula sa Iloilo ay nagtungo naman kami sa lungsod ng Bacolod sa pamamagitan din ng lantsa.

Isinulat ko nga sa aklat kong "Bigas, Hindi Bala" sa artikulong pinamagatan kong "Ang Makasaysayan Kong Pagdatal sa Isla ng Panay": "Naging makasaysayan sa akin ang pagsama ko sa Duyog Mindanao dahil nakarating ako ng Panay, dahil kahit papaano, nakalapit ako, sa buong buhay ko, bagamat di nakarating, sa lupain ng aking mga ninuno... Bagamat di ako nakarating sa Antique ay parang napalapit na rin ako sa sinilangan ng aking ina dahil sa pagtapak ko sa unang pagkakataon sa Panay."

Mas maganda na hindi lamang isang araw, kundi kahit man lamang isang linggo ako ritong magtagal. Isa itong pangarap na nais kong matupad. Nais kong damhin ang bawat sulok ng kanilang bahay, ang kabukiran, ang mga tao, ang dagat, ang puno, ang sariwang hangin, ang kalagayan ng mamamayan doon at ng buong lalawigan, maging ang agiw, alikabok, putik, talahib, at huni ng kuliglig. Nais ko iyong maisulat. Marahil nga'y sentimental na bagay. Isa iyong bagay na dapat planuhin naming magkakapatid, na kahit minsan man sa aming buhay ay narating namin ang sinilangan ng aming mahal na ina. Kung hindi man sila makasama, kahit sana ako'y makarating doon. Tanging si Lala pa lang sa aming magkakapatid ang alam kong nakarating doon nang isinama siya ng aking ina sa Antique noong 2011. Kasama ni Lala ang anak niyang si Sten.

Marahil ay makagagawa muli ako ng maraming tula sa paglalakbay na ito, na nais ko ring maisaaklat. At ito ang balak kong gawin pag ako'y nakarating sa bayang sinilangan ng mahal kong ina.

Lunes, Hunyo 14, 2010

Sukli'y Kulang ng Sampung Piso

SUKLI'Y KULANG NG SAMPUNG PISO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan, walo kaming magkakasamang galing sa isang aktibidad ng maralita ang sumakay ng dyip. Minimum lang ang pamasahe, P7.00 hanggang sa aming pupuntahan. Nagbayad ang kasama ko ng P70.00 para sa aming walo. Sinuklian naman agad kami ng tsuper ng halagang P4.00.

Aba'y agad umangal ang aking kasama, at sinabing kulang ng sampung piso ang sukli. Sinabi rin agad niyang "P7 x 8 katao equals 56. Kaya P70 minus P56 ay P14, kaya po kulang ng sampung piso ang sukli nyo." Ayos ang pagkwenta ng aking kasama, mathematician! Mukhang anak ni Pythagoras.

Agad namang ibinigay ng tsuper ang P10 nang wala nang tanung-tanong. Marahil alam ng tsuper na nagkamali nga siya. O kaya naman ay maaaring sinadya niya ang gayon sa pag-aakalang makakaisa siya. Napakawalang konsensya naman niya kung gagawin ang gayon, ngunit maraming tao na kinakain na lang ang konsensya at ikinakatwirang mahirap kasi ang buhay.

Marahil kung hindi nagkompyut ang aking kasama, nalagasan na agad siya ng P10. Marahil matataranta siya pag gumawa siya ng finance report at may nawawala palang P10 ay abonado pa siya.

Siya pa lang iyon, ha? Paano kaya kung ganito rin ang ginagawa ng tsuper sa ibang pasahero? Aba'y malaki tiyak ang kita ng tsuper na iyon. Buti na lang, sampung piso lang iyon. Paano kaya kung malakihan na? Paano kaya kung milyones na ang usapan? Aba'y tiyak na ang corruption. At biglang yaman din tiyak yaong nangupit sa suklian.

Kaya napakahalaga talaga ng may kaalaman sa mga batayang aralin sa aritmetika, lalo na sa  matematika. Elementarya pa lang ay tinuruan na tayo ng addition, subtraction, multiplication at division. Ito pala'y di lang pang-eskwela, kundi para sa pang-araw-araw na buhay.

Kahit sa pagbili ng anuman sa sari-sari store, napakahalaga ng may kaalaman sa aritmetika’t matematika dahil sa usapin ng pagbabayad at pagsusukli.

Linggo, Enero 17, 2010

Buti na lang, may facebook

BUTI NA LANG, MAY FACEBOOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matagal na akong di umuuwi ng bahay, hindi dahil ayaw kong umuwi o kaya'y ipinagtatabuyan ako ng aking mga magulang, o kaya'y wala na kaming pakialaman. Hindi totoo ang mga dahilang iyun. Sa totoo lang, gusto kong umuwi para makita ang aking mga kapatid at magulang, hindi ako tinataboy at tanggap nila ako bilang aktibista, at may pakialaman naman kami sa isa't isa. Magkakaiba lang kami ng pinasok o naging pasiya sa buhay. At sa buhay na pinasok ko, bilang full time sa isang mapagpalayang kilusan, mas makabubuti sa akin ang di palaging umuwi.

Ngunit kadalasan, nanenermon pa ang tatay ko lalo na pag nag-iinuman na kaming magkakapatid. May plano daw siya sa aming magkakapatid, at binigo ko raw ang plano niya sa akin. Sana raw ay mayaman na ako. Ngunit nalimutan niyang may plano rin akong sarili sa buhay ko, kaya di ako sumunod sa plano niya. Di ba, kaya nga tayo pinag-aral ng mga magulang natin ay di para sumunod lang sa plano nila, kundi pag-isipan at pagplanuhan din natin ang ating sariling kinabukasan.

Kahit tanggap ako bilang aktibista, nais pa rin nilang magkaroon ako ng mas stable na trabaho, di tulad ngayon na minsan, pahirapan sa allowance. Ngunit sa aking pasiya at sa prinsipyong tinatanganan ko ngayon, mas mabuti pa ang pahirapan sa allowance kaysa may malaking sweldo sa isang pabrikang nagsasamantala sa manggagawa. Dati na akong naging manggagawa, nagtrabaho ng tatlong taon bilang machine operator sa isang electronics company, bago nag-resign at nag-aral muli.

Dahil bihira akong umuwi ng bahay, di kami nagkakausap ng aking ama't ina at ng aking mga kapatid. May cellphone kami pero bihira ding magkausap, dahil bawat text, piso. Ang simpleng "ok" at "oo" ay P2 na.

Buti na lang may facebook. Mas mabuti pa ito kaysa yahoo, gmail, blog, at multiply, dahil madali dito ang komunikasyon, lalo na sa chat. At tuluy-tuloy pa ang komunikasyon. Di ka mawawalan ng load. Basta okey ang internet at di nagloloko, at kung nasa computer shop, depende sa oras.

At nang dahil sa facebook ay nagkakausap-usap kaming magkakapatid sa pamamagitan ng chat. Dito ko nga lang sa facebook muli kong nakausap ang mga kaklase ko sa elementarya at high school, sa tagal na di namin pagkikita, at dito na rin nagkakakumustahan. Nalalaman ang buhay-buhay ng bawat isa.

Buti na lang may facebook dahil kahit wala ako sa bahay, nagkakausap pa rin kaming magkakapatid.

Huwebes, Nobyembre 26, 2009

Bayanihan sa Dyip

BAYANIHAN SA DYIP
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bata pa ako'y kinagisnan ko na ang bayanihan sa dyip. Noon, lalo na sa paaralan, inilalarawan ang bayanihan na pagtutulungan ng ating mga ninuno sa pamamagitan ng sama-samang pagbubuhat ng bahay upang ilipat sa isang lugar. Walang bayad kundi pakain lamang. Pakikisama, pagtutulungan.

Ako mismo'y saksi noong bata pa ako, marahil ay apat o limang taong gulang pa lamang, nang binuhat ng aking mga kamag-anak ang kalahati ng bahay ng mga tatang, ng may layong sampu o labindalawang metro, marahil ay mga limampu o animnapung hakbang. Ang binuhat na bahay ang siyang naging tahanan ng aking Tiyo Pablo, na nakatatandang kapatid ng aking ama. Nangyari iyon sa nayon ng aking ama sa lalawigan ng Batangas.

Subalit dito sa lungsod ng Maynila, mas nakita ko kung paano nga ba ang bayanihan. Doon sa araw-araw kong pagsakay sa dyip patungo at pauwi mula sa paaralan. Madalas kong sakyan noon ay ang dyip na biyaheng Balic-Balic - Quiapo at Quiapo - Pier papunta at pabalik mula sa eskwelahan.

Dito sa lungsod, karaniwang walang konduktor, di gaya sa bus, o sa malalayong ruta ng dyip tulad ng biyaheng Cubao-Antipolo. Magbabayad ka ng pamasahe mo, at iaabot mo sa tsuper. Subalit kapag malayo ka sa tsuper, ang pera mo'y aabutin ng kapwa pasahero mula sa iyo at pasa-pasang iaabot hanggang makarating sa tsuper ng dyip. Sa pagsusukli naman ay gayon din, iaabot ng drayber sa mga pasahero ang sukli mo hanggang sa makarating sa iyo. At maiaabot sa iyo ang pamasahe mo nang eksakto, kung gaano ang sukli ng tsuper. Kumbaga ay may tiwalaan sa kapwa pasahero, at walang nangungupit ng sukli. 

Oo, tiwalaan ang isa sa mga sangkap ng bayanihan sa dyip. Ang mismong akto ng pag-aabot ng bayad at sukli ng tsuper at kapwa pasahero ay isa nang bayanihan na kusang dumadaloy sa bawat isa. Sa munti mang pagkilos ay kitang-kita ang pagtutulungan at bayanihan ng bawat isa. 

Kung sakali namang nasiraan ang dyip, ibabalik ng tsuper ang ibinayad ng mga pasahero.  Tiwalaan pa rin. Ibinabalik ang ibinayad ng pasahero sapagkat di ka naman naihatid sa paroroonan mo at upang iyon naman ang gamitin mong pamasahe sa dyip na susunod mong sakyan. Walang nakasulat na patakaran, subalit alam ng tsuper at mga pasahero ang gayong kaayusan.

Kung sakali namang kailangang itulak ang dyip dahil tumigil, magkukusang bumaba ang ilang pasahero upang itulak ang dyip hanggang sa ito'y umandar muli at sila'y muling makabiyahe. Masaya naman ang mga pasaherong nakatulong upang umandar ang dyip nang walang hinihintay na kapalit. Bagamat ito'y abala minsan, lalo na sa mahuhuli sa trabaho.

Sadyang ang bayanihan ay nasa kultura na natin, at nagagamit sa iba't ibang pagkakataon. Kahit na ang kuyog, na isang anyo ng pagkilos upang kamtin ang katarungan, ay isa ring bayanihan ng taumbayan. Halimbawa na lamang, may masamang taong nakagawa ng krimen, at kinuyog ito ng taumbayan. Nagbayanihan ang taumbayan upang saklolohan ang nabiktima ng krimen. Kumbaga'y ramdam ng taumbayan na kailangan nilang magkaisa sa pagkakataong iyon upang masawata ang mga pusakal na baka sila rin ang mabiktima ng mga ito balang araw.

Sa unang halimbawa ng bayanihan, yung pagbubuhat ng bahay, karaniwan nang magkakakilala ang mga nagtutulong-tulong na magbuhat ng bahay. Sa ikalawang halimbawa naman, sa loob ng dyip, hindi naman magkakakilala ang mga pasahero. Subalit kitang-kita natin dito ang bayanihan, lalo na sa pag-aabot ng bayad at sukli. Sa ikatlong halimbawa, sa kuyog, may magkakakilala man o hindi magkakakilala ngunit biglang nagkaisa.

Gayundin naman, ang dyip bilang simbolo rin ng pagkamalikhain ng mga Pinoy, ay pinatingkad pang lalo ng bayanihan. Bagamat maliit na kabutihan kung maituturing ang pag-aabot ng bayad at sukli sa kapwa pasahero, ito'y isang magandang halimbawa ng bayanihan na hindi natin dapat makalimutan, bagkus ay ibahagi at ipakilala pa sa higit na nakararami.

Huwebes, Hulyo 16, 2009

Unang Danas sa Kikil

UNANG DANAS NA KIKIL
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa first year high school pa lang ako noon nang maranasan ko ang unang pagkakataong ako'y kinikilan. Limang piso lamang ang baon ko sa isang araw at kinikilan pa ako.

Mula sa bahay patungong eskwelahan, sasakay ako ng dyip na biyaheng Balic-Balic-Quiapo, bababa sa Quiapo, dadaan sa underpass patungong Quezon Blvd., sa tapat ng simbahan ng Quiapo dahil naroon ang sasakyan ng dyip patungong Lawton. Bababa ako ng Lawton upang maglakad patungong eskwelahan. Ang rutang iyon ang natutunan ko, habang may ibang daan na itinuro sa akin ang aking ama, ang pagsakay ng dyip na rutang Quiapo-Pier patungong eskwelahan. Subalit ang daang iyon ay patungo sa kanyang opisina na malapit lamang sa pinapasukan kong eskwelahan, at may kahabaan ng kaunti ang lakarin kaysa galing ng Lawton.

Naranasan ko ang una kong "hold-up" nang minsan, mag-isa akong bumiyahe patungong paaralan nang sa paglalakad ko sa underpass ng Quiapo ay hinarang ako ng isang payat na lalaki, medyo gusgusin sa aking pagkakatanda. Sabi niya'y pahingi raw ng pera. Hindi ko alam ang aking gagawin dahil nakaharang siya sa aking daraanan, at pag ibinigay ko naman ang buo kong limang piso ay mawawalan ako ng pamasahe papunta sa eskwelahan.

Mukhang totoy pa kasi ako nang mga panahong iyon, first year high school, kaya marahil madaling kikilan. Nakapolo, nakabalat ng sapatos, nakapantalon, maayos ang gupit, animo'y binatang-binata ang dating. Nagsisimula pa lang akong matutong laging magbiyahe sakay ng dyip patungong eskwelahan. Dahil noong elementarya'y nilalakad ko lang ang aming paaralan.

Minabuti ko na lang na ibigay ang buo kong limang piso, dahil sa isip ko'y baka may dala siyang kutsilyo. Hindi ko na pinangahasang tumakbo dahil baka may mga kasama siyang iba. Ibinigay ko ang aking limang piso, kaya wala na akong pera. Hindi agad ako nakaalis at nakatingin pa rin ako sa kanya. Marahil dahil hindi pa ako agad umalis at nakatitig sa kanya kaya binigyan niya ako ng barya. Baka iniisip niya na mahalata siya ng ibang nagdaraan. Sakto lang na pamasahe sa dyip ang ibinigay na barya sa akin. P0.65 sa pagkakatanda ko ang pamasahe nang panahong iyon.

Kaya pinabayaan ko na lang, isang munting karanasan sa masalimuot na mundo. Isang aral, na kahit papaano'y nagpaisip sa akin bakit ba may ganuong mga tao. Subalit sa loob-loob ko, ayaw ko na iyong mangyari muli. Hindi muna ako dumaan sa lugar na iyon, at nag-iba ako ng ruta. Pagsakay ko ng dyip na biyaheng Balic-Balic-Quiapo, bababa ako sa Lepanto papuntang Morayta. Maglalakad hanggang Lerma upang doon sumakay papuntang Lawton.

O kaya naman ay bababa ng Recto, maglalakad patungong bilihan ng mga gamit ng ROTC, na kinatatayuan ngayon ng Isetann Recto, at doon sasakay ng dyip patungong Lawton.

O kaya naman ay bababa sa Quiapo, ngunit hindi maga-underpass, kundi maglalakad patungo sa overpass ng Raon upang tumawid sa kabila. At mula doon ay sasakay na ng dyip patungong Lawton.

Kung iisipin ko ngayon ang itsura ng taong iyon, mukhang natakot lang ako noong una, dahil bata pa ako noon. Subalit malaking aral na rin iyon, na para bang isa akong sundalong natutong umiwas sa kaaway, mag-isip ng ruta, maghanap ng bagong daan, maghanap ng bago kaysa laging dinaraanan.

Hanggang ngayon, hanap ko ang pagbabago. Hindi iyong dati nang kinagawian. Kaya marahil ako naging aktibista. Nagtanong bakit may mga taong nangingikil. Nagtanong bakit may mga dukha. Nagtanong bakit hindi pantay ang karapatan at kalagayan ng mga tao sa lipunan. Hanggang sa pinag-aralan ang lipunan.

Ngayon, patuloy akong kumikilos at humahakbang patungo sa isang lipunang makatao, isang lipunang walang pagsasamantala. Kung ano man ang tawag sa lipunang iyon, ang mahalaga'y hindi ang "ismo" kundi ang esensya. Ang kabuuan ng pangarap na lipunang ang bawat isa ay nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao.

Lunes, Hulyo 13, 2009

Pagbabasa ng diyaryong nakapatong sa kulambo

PAGBABASA NG DIYARYONG NAKAPATONG SA KULAMBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bata pa ako'y mahilig na akong magbasa. Sa katunayan, bawat diyaryong binibili ng aking ama ay aking binabasa. Natatandaan ko nga, nagbabasa ako ng diyaryong nakapatong sa kulambo. Umaga, pagkagising ay nakatingala na akong gigising, nakatingin, hindi sa kisame, kundi sa pahayagang nakapatong sa kulambo. Nasa kinder na o grade one ako noon.

Ayon sa aking ama, ipinapatong niya ang diyaryo sa kulambo upang takpan ang silaw ng ilaw habang kami'y natutulog. Hindi na kasi pinapatay ang ilaw para daw mas maiwasan ang lamok, at baka tumayo kami sa madaling araw na kung patay ang ilaw ay baka makasagi ng gamit o kaya'y madapa, lalo na kung naiihi. Kaya pinabayaan na lang na buhay ang ilaw, at diyaryo ang pangontra sa silaw ng ilaw habang natutulog.

Uso pa noon ang paggamit namin ng kulambo, di tulad ngayon na bihira ka nang makakita ng kulambo sa mga kasama sa bahay, dahil may bentilador na o kaya ay aircon. Nag-uunahan pa kaming magkakapatid noon sa pagsabit ng kulambo sa apat na sulok ng maliit naming kwarto. 

Sa iisang kulambo'y nagkakasya kaming tatlo pa lang noon na magkakapatid (anim kami ngayon) at ang aming ama at ina.

Pag naalimpungatan sa madaling araw, nakatutok na ang aking mata sa diyaryong nakapatong sa kulambo at binabasa ang mga iyon, komiks man o balita.

Sa kalaunan ay lumabo ang aking mata. At walong taon pa lang ako ay nagsalamin na sa mata. Ngunit habang lumalaki ako ay naaasiwa ako sa pagsasalamin, kaya madalas ay hindi ko na iyon isinusuot. Hanggang sa masanay na akong walang suot na salamin.

Masarap balikan ang karanasang iyon dahil isa iyon sa umakit ng aking interes sa pagbabasa. Pagmulat pa lang ng mata sa paggising sa umaga ay nakatambad na agad sa aking mukha ang mga letra, nagpapahayag ng kwento at mga balita.

Ngayon, wala nang kulambong papatungan ng diyaryo, dahil natutulog na lang akong wala ni kumot o unan. Lalo na sa pagod, kuntento nang ipikit na lamang ang mata upang makatulog, may banig man o wala, o kaya'y sa upuan o bangko na lang nakahiga. Ngunit ang karanasang iyon ay hindi ko malilimot dahil bahagi na iyon ng aking paglaki at paglago bilang isang manunulat.

Biyernes, Marso 27, 2009

Lunas ang Pag-asa

LUNAS ANG PAG-ASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming tao ang kadalasang nawawalan ng pag-asa.

Maraming nagpapatiwakal dahil tingin nila'y wala nang pag-asa ang kanilang kasalukuyang hirap na kalagayan. Akala nila'y pulos dusa na lang ang mundong ito, pulos hinanakit, at pwang kahirapan na lamang. Makakaahon pa kaya tayo, ang nasasa isip ng iba, sa aba nating kalagayan?

Marami ang nakakagawa ng krimen dahil wala silang maasahang matinong kalagayan. Nakakulong dahil nagnakaw ng sampung pisong pandesal, habang ang mga nagnakaw ng milyun-milyon sa kaban ng bayan ay hindi maipakulong.

Marami ang namatay dahil sa simpleng sakit dahil hindi ginamot ng mga doktor sa ospital. Inaasahan nilang ang karapatan nila sa kalusugan ay paiiralin ng ospital. Ngunit ang kalusugan pala, imbes na serbisyo, ay negosyo na.Paano gagamutin ang maysakit na maralita kung wala siyang pang-down payment sa ospital? Paano gagaling ang maralitang maysakit kung napakamamahal ng gamot na kinakailangang bilhin? Paano giginhawa ang maralita kung sa mismong bayan niya, siya'y lalong ibinababa?

Marami ang hindi nakapag-aral dahil sa hirap ng buhay, at dahil sa mahal ng matrikula, na bawat taon ay tumataas. Marami ang umasang makapag-aaral dahil karapatan nilang mag-aral, ngunit ang karapatang ito sa edukasyon ay negosyo na pala. Paano nila pag-aaralan ang nais nilang kurso kung napakamahal ng bayad sa edukasyon? Paano magiging doktor o abugado ang mga maralitang nangangarap na makatulong sa kanilang mga aping kababayan sa nayon at liblib na pook sa mga lalawigan kung di pa sapat ang pagbebenta ng kalabaw at kapirasong lupang minana pa nila, kung ang gastos naman sa pag-aaral ay napakamahal?

Mga maralita'y hampaslupa, mga mababaho, mga walang silbi sa mundong ito. Ganito kadalasang inilalarawan ang mga mahihirap.

Ngunit ang mga maralita, nagtitiis tumira sa ilalim ng tulay upang mabuhay. Kumakain ng mga itinapong tira-tirahang karne mula sa Jollibee at McDo upang lutuing muli, para lang may maipakain sa kanilang mga gutom na pamilya. Nasisikmura ang gayong abang kalagayan para sa kanilang mga anak para lang mabuhay. Makatao ba ang ganito? Hindi!

May maaasahan pa ba tayo sa ganitong klase ng gobyerno, pabaya sa mga maliliit? May maaasahan pa ba tayo sa kapitalistang sistemang umiiral ngayon, na ang serbisyo't karapatan ay ginagawang negosyo?

May pag-asa pa habang tayo'y nabubuhay. Ito ang laging bukambibig ng matatanda, ng pamahalaan, maging ng simbahan. Ngunit maaasahan ba natin sila sa pag-asang ating inaasam? Walang mawawala sa atin kung umasa tayo, at mas malaking kawalan kung ang pananaw natin sa buhay ay pawang kawalang pag-asa.

Pag umasa ka, lahat ay maaaring mangyari. Ang pag-asa ay tulad ng iniinom na spinach ni Popeye na sa panghihina niya'y bigla siyang lalakas.

Kahit alam nating ang inaasahan natin ay bihirang mangyari, at ang di natin inaasahan ang nangyayari, may pag-asa pa rin tayo. Kailangan lang nating kumilos at maging positibo sa pananaw. Malay mo, tumama ka sa lotto. Ngunit kung di ka tumaya, huwag mong asahang tatama ka sa lotto.

Ang pag-asa ay gamot sa nahihirapan. Ang pag-asa ay lunas sa nagsisikip mong dibdib. Ang pag-asa ang siyang gamot sa pagdududa, gamot sa mga sugat na nalikha ng mga pangyayari. Ang pag-asa ay paghilom.

Gayundin naman, ang pag-asa ay pagkilos, at hindi lamang pagsasabi ng "Sana, sana", kundi "Dapat, dapat". Hindi tayo dapat tumunganga na lang sa isang tabi, at gayahin si Juan Tamad sa kanyang pagkakahiga sa pag-asang bumagsak ang bayabas sa kanyang bunganga. Kailangang kumilos ng mga mahihirap upang baligtarin ang tatsulok na kalagayan ng lipunan.

Oo, may pag-asa pa. May pag-asa pa. Dahil kung walang pag-asa, walang kahulugan ang buhay. Minsan lang tayong mabuhay sa mundong ito. Bigyang kahulugan natin ang buhay. Halina't tayo'y kumilos upang ang pangarap na inaasam ay magkaroon ng katuparan.

O, Pag-asa, halina't haplusin mo ang mga isipang nadirimlan at mga pusong nasasaktan. Halina't kami'y tulungan upang maibsan ang nararamdaman naming kahungkagan. Naririto kami, umaasa.

Habilin

HABILIN ni Gregorio V. Bituin Jr. Sa malao't madali'y aabutin ko rin ang oras ng paghihingalo, ang huling kabit ng aking hininga. Pa...